Kalunos-lunos ang sinapit ng isang binatilyo sa Pilar, Capiz na nasawi matapos na makaladkad at inapak-apakan ng alaga nilang kalabaw, at tumama pa ang ulo sa bato. Ang pamilya, hindi inakalang ang hayop na itinuring best friend ng binatilyo ang tatapos sa buhay nito.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing pagsasaka ang ikinabubuhay ng pamilya ng binatilyong si Dodong. Ang kaniyang ina, namamasukan na kasambahay sa Maynila para makadagdag sa kanilang pangangailangan.

Ang kalabaw na nakadisgrasya kay Dodong, napag-alaman na isang taon pa nilang alaga. Gayunman, lagi raw itong kasama ng binatilyo lalo na sa pagpunta sa bukid.

Hanggang sa mangyari ang trahedya noong Mayo 4. Sakay ng kalabaw si Dodong at ang nakatatanda niyang kapatid na si Dodoy.

Para makontrol ni Dodong ang kalabaw, ang tali na nasa nguso nito at ulo, itinali naman ng binatilyo sa kaniyang baywang.

Kuwento ni Dodoy, nang araw na iyon, tila iba umano ang ugali ng kalabaw. Nagwala ito na dahilan para mahulog silang magkapatid mula sa pagkakasakay sa likod ng hayop.

Nagawa naman daw kontrolin at pakalmahin ni Dodong ang kalabaw kaya muling sumampa ang binatilyo. Ngunit hindi nagtagal, muling nagwala ang kalabaw at muling nalaglag si Dodong.

Sa pagkakataong ito, tumakbo ang kalabaw kaya nakaladkad si Dodong at tumama ang ulo sa bato.

Hindi naman daw kaagad nakalapit si Dodoy para saklolohan ang kapatid dahil inapak-apakan pa ng hayop ang biktima.

Nakalapit lang si Dodoy kay Dodong nang tumigil na ang kalabaw sa pagwawala. Tila hindi na umano humihinga nang sandaling iyon si Dodong na tadtad ng mga sugat at pasa sa mukha at katawan.

Isinugod ng kanilang lolo sa ospital si Dodong, pero mula sa Pilar, ay inilipat ang binatilyo sa ospital sa Estacia, Iloilo na 30 minuto ang layo.

Nang malaman ng ina ang sinapit ng anak, dali-dali siyang umuwi. Hindi niya maiwasan na magsisi sa pagtatrabaho sa malayong lugar at hindi kasama ang kaniyang anak.

Dahil sa tindi ng mga tinamong pinsala sa katawan ni Dodong, binawian siya ng buhay. Ang hiling ni Dodong na burger at tsinelas na dala ng kaniyang ina, hindi na niya nakita.

Bakit nga ba nagwala ang kalabaw at inatake niya si Dodong na lagi niyang kasama? At ano kaya ang sinapit ng naturang kalabaw? Tunghayan ang buong kuwento at alamin ang payo sa mga taong nag-aalaga ng mga kalabaw. Panoorin.-- FRJ, GMA Integrated News