Pinipilahan ng mga customer ang Cheese rolls dahil sa sarap nito sa Los Angeles, USA. Ngunit ang patok na meryenda, matitikman na rin sa Quezon City.

Sa nakaraang episode ng Pera Paraan, itinampok ang negosyong “Nothing But Jill” ng 29-anyos na si Jill Del Rosario Flores.

Ang ideya para sa naturang negosyo ay nagsimula nang minsang bumiyahe sa abroad ang kaniyang pamilya, at natikman ang Cheese rolls mula sa isang bakery na lagi nilang pinupuntahan sa L.A.

Kumpara sa ibang cheese bread, flaky at crispy ang cheese roll ni Jill. Puff pastry naman ang kanilang dough o 'yung ‘ginagamit sa croissant, na hindi gaanong maalsa at malutong kapag kinagat.

Cream cheese naman ang palaman nito.

“Yung cheese roll namin, it's different from the one din sa Amerika kasi we also twisted it to become suitable din for the Filipino audience. So I know 'yung mga Pinoy may panlasang mas matamis so minake namin 'yung cheese rolls, like 'yung filling with more sugar and on top of our cheese rolls, coated din siya with rock sugar as well,” sabi ni Jill.

Madalas ikinakahon ang order na cheese roll. Pero kung gusto ng extra special na balot na may romantic vibes, at pwede ring gawing bouquet.

Mabibili sa halagang P95 ang isang cheese roll na may ube at dulce de leche flavors din.

Kasalukuyang nasa Amerika si Jill, pero hands-on pa rin siya sa kaniyang munting negosyo.

Short term lang noon ang kaniyang pagbebenta ng pastry, at sariling sikap lang din siya sa pag-aaral ng baking na nakahiligan lang niyang gawin.

“Trip lang siya. So nu’ng ini-start namin ng brother ko ‘yun, pinaglaruan lang namin ‘yung branding. Nag-start kaming mag-post sa Instagram and sa Facebook. Exactly P20,000 kami nag-start from my personal savings,” ani Jill.

Mga kakilala lang ang unang customers na natipuhan ang kaniyang produkto. Magmula rito, nagdagdag agad sina Jill ng kaniyang pamilya ng paborito nilang cheese roll.

“Actually 'yung mom ko nagsasabi na parang ang popular nito sa States kaya try natin gawin 'yung version natin here. So siya talaga 'yung nag-push na i-try natin, baka naman kaya natin gawin,” kuwento niya.

Mula sa online orders, nagkaroon na rin sila ng puwesto para mas maraming maibenta sa customers.

Sa kanilang sigasig sa pagma-market sa kanilang produkto, mas lalo pa itong napansin at tinangkilik. Ang kanilang take-out shop noon, lumaki at mayroon nang dine-in.

Nadagdagan na rin ang iba pa mga tinapay na puwedeng orderin.

Kada araw, nakagagawa sila ng nasa 500 cheese rolls. Umaabot ng six digits ang gumugulong na kita ng negosyo ni Jill kada buwan. – FRJ GMA News