Nagkabistuhan kung sino-sino sa cast member ng dating sikat na youth-oriented show na "TGIS" (Thank God It's Sabado) ang naging magkarelasyon noon nang maging bisita sila sa kinagigiliwang segment na "Bawal Judgmental" ng "Eat Bulaga."

Sumalang bilang pinagpilian sa mga katanungan nitong Huwebes sina Michael Flores, Angelu De Leon, Bobby Andrews, Polo Ravales, Dino Guevarra, Maui Taylor at Ciara Sotto.

Ang vlogger na si Kyo Quijano, naman ang nanghula ng sagot sa mga tanong.

ALAMIN: Bakit kinagigiliwan ngayon ng mga Pinoy ang 'Bawal Judgmental' ng 'Eat Bulaga'?

Nagkabistuhan nang maging katanungan kung sinu-sino sa kanila ang nagkaroon ng isang karelasyon na kasama sa TGIS.

Marami ang nag-akala na makakasama sa sagot ang dating magka-love team na sina Angelu at Bobby, pero lumitaw na si Michael pala ang nagkaroon ng kaugnayan sa aktres.



"Actually matagal na talaga 'yun eh. I mean, actually bago pa mag-TGIS 'yun. Tapos noong TGIS, nagkaroon ng something pa pero hindi na rin tumagal," kuwento ni Michael na ang ka-love team noon ay si Raven Villanueva.

Nilinaw naman ni Angelu na nangyari ang relasyon nila ni Michael bago pa man sila nagkasama sa TGIS.

Isiniwalat din ni Michael, nagkaroon sila ng pag-uusap noon ni Bobby na may crush din kay Angelu.

"Kasi nga actually, kinausap din ako ni Bob eh. Ang sabi sa akin ni Bob, 'Bro sobrang crush ko 'yan dati pa.' Sabi ko 'Okay sige, madali naman akong kausap,'" ani Michael.

READ: Bobby Andrews admits he attempted to court Angelu de Leon during their TGIS days

Pero pabirong sabi ni Angelu kay Michael, "Less talk less mistake."

"Eh siyempre bata pa kami, puppy love, alam niyo na. So ano lang 'yun, kilig kilig lang... As in, baka nga months lang 'yun or ano. Mabilis lang talaga," sabi ni Michael.

Dahil sa rebelasyon, pabirong humingi ng tawad si Michael sa kaniyang asawang si Nina Ricci Alagao.



"Kay Nina, sa wife ko, I'm sure nanonood ka ngayon. Gusto ko lang mag-sorry. Panay laglag sa akin dito... 'Yung susi ha alam mo kung saan iiwan, sana nandoon pa rin pag-uwi ko," mensahe ni Michael kay Nina.

"Hon I love you. 16 years na kaming married. So 'wag niyong guluhin ang buhay ko... I'll see you when I get back," pabiro pang sabi ng aktor.

Si Angelu naman, umaming may isa pang naging ex sa kaniyang TGIS co-stars.

"Si Onemig (Bondoc). Pero again, again, not TGIS days," sabi ni Angelu.

Samantala, ni-reveal din ni Ciara na naging sila rin ng ka-love team niyang si Onemig.

"Parang eight months lang, ganu'n... Pumupunta sa bahay namin, ganoon, nagbi-visit, nagbibigay ng mga chocolates," sabi ni Ciara.

Nagkaroon din ng ilang buwan na relasyon sina Polo at isa pang taga-TGIS na si Sunshine Dizon.

Samantala, bagaman marami ang umasa noon na magkakatuluyan sina Angelu at Bobby, napag-alaman naman na ang naging asawa ni Bobby ay dating nag-trainee sa TGIS.

Lumitaw din na mismong si Angelu pa ang naging daan para makilala ni Bobby ang kaniyang naging kabiyak sa buhay.-- FRJ, GMA News