Umani ng batikos ang apat na konsehal sa Roxas City, Capiz matapos kumalat ang kanilang larawan na nakahubad makaraang maipasa ng Konseho ang anti-half-naked ordinance. Pero bukod sa paghuhubad, pinuna rin ang umano'y paglabag nila sa COVID-19 health protocols.

Sa ulat ni Rida Reyes sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, makikita na isa lang sa apat na magkakalapit na nakahubad na konsehal ang nakasuot ng face masks at face shields habang nasa Roxas City Hall.

Nagpakuha ng larawan ang apat matapos na ipasa sa ikatlong pagbasa ang ordinansa na nagtatakda ng P500 multa at community service ang sinumang residente na makikitang nakahubad sa mga pampublikong lugar.

Bukod sa netizens, inalmahan din ng Department of the Interior and Local Government ang ginawa ng mga konsehal.

“They’re supposed to practice social distancing, they’re supposed to practice the use of face masks, face shields. Paano sila magiging magandang halimbawa sa kanilang constituents kung hindi naman nila sinusunod ’yung patakaran ng pamahalaan of which they are part?” ayon kay Local Government Undersecretary Jonathan Malaya.

Ipinaliwanag naman ng isa sa mga konsehal na kinunan ang larawan na hindi pa napipirmahan ng alkalde ang ordinansa kaya hindi pa ito ganap na batas, kaya hindi pa nila ito nilalabag.

“Ang intention lang namin is to give emphasis on the ordinance and not to violate it and in the first place there’s no ordinance yet,” paliwanag ni Councilor Jericho Angel Celino.

“It is only to mark the last time that you could take off your clothes, being half-naked because after the mayor will sign the ordinance there will be an infraction already ... You can call it pasikat but for us it is the last time that you’re going to see us naked because the ordinance will be passed,” dagdag niya.

Sa kabila ng paliwanag ng konsehal, sinabi ni Malaya na: “While we commend them for passing this ordinance, hindi sa akin uubra ’yung ganoong klaseng paliwanag. Kasi government officials must always take the lead in following the ordinances or laws that they pass.”

Inatasan ng DILG ang alkalde ng Roxas City na imbestigahan ang insidente.– FRJ, GMA News