Isa na namang insidente ng karahasan laban sa mga may lahing Asyano ang nahuli-cam sa America.

Ang dalawang biktima, naglalakad lang noon sa sidewalk sa New York nang atakihin sila ng babaeng black American na may hawak na martilyo.

Inihampas ng babae sa mga biktima ang martilyo at tinamaan sa mukha ang isang biktima.

Pero hindi tuluyang nagpasindak ang dalawang Asyano at pinilit nilang idepensa ang kanilang sarili hanggang sa mabitiwan ng salarin ang martilyo.

Kinalaunan ay umalis na ang dalawang biktima habang naiwan na galit na galit pa rin ang suspek.

Ayon sa pulisya ng New York,  sinabihan ng suspek ang mga biktima na tanggalin nila ang kanilang face mask.

Nang tumanggi ang biktima, doon na umatake ang suspek.

Nagtamo ng sugat at pasama sa mukha ang isa sa mga biktima.

Pinaghahanap na ng mga pulis ang babaeng umatake sa dalawang Asyano.--FRJ, GMA News