May nais nga kayang ipahiwatig ang isang yumaong ina nang biglang gumalaw na mag-isa ang paborito nitong flashlight na iniregalo sa kaniya ng anak?

Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, napag-alaman na pumanaw kamakailan sa kanilang bahay si Nanay Maria sa edad na 88.

Pero bago pa man sumapit ang kaniyang ika-40 days ng pagpanaw, sinabi ng kaniyang anak na si Bong Magdungo, napansin niya na ang iniregalo niyang flashlight sa ina, laging nawawala sa puwesto.

Nang minsan makita niya ang flashlight sa sahig, inilagay niya ito sa tamang puwesto nang nakatayo pero makikita niya kinabukasan na nakatumba na.

Ang naturang flashlight ang ginagamit ng kaniyang ina sa kuwarto dahil lampshed lang ang ilaw sa loob.

Upang malaman kung may kababalaghan bang nangyayari sa flashlight, kinuhanan ito ni Bong ng video gamit ang cellphone.

Ipinuwesto niya ang flashlight na nakatayo at nahuli-cam ang pagtumba nito na mag-isa.

Muli pang nahuli-cam ang pagkahulog ng flashlight nang ilagay niya ito sa mataas na lugar at bigla namang gumalaw ang katabing helmet.

At nang tutukan niya ng camera ang flashlight na mag-isa, muli itong gumalaw.

May kababalaghan nga bang nangyari at may nais kayang ipahiwatig si Nanay Maria sa paggalaw ng flashlight? Tunghayan ang ginawang pagsisiyasat ng paranormal researcher na si Jay Costura. Panoorin.

--FRJ, GMA News