Arestado ang isang lalaki na nagnakaw ng 2 milyong euros na halaga ng mga alahas sa isang sikat na jewelry boutique sa Paris, France. Pero nahuli rin siya kinalaunan dahil sa stand-up scooter na ginamit niya bilang "getaway vehicle."

Sa ulat ng GMA News Feed, sinabing katumbas ng halos P119 milyon ang halaga ng alahas na tinangay ng naka-suit na kawatan.

Ang pinuntirya niya, ang Chaumet na isang sikat na jewelry boutique sa Paris at kabilang sa pinakamalalaking luxury goods maker sa mundo.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, lumitaw na nagpakilala munang customer ang suspek na titingin ng mga alahas.

Nang ilabas na ng mga emplyedo sa shop ang mga ni-request na alahas, bumunot na ng baril ang kawatan at tinangay ang mga paninda.

Mabilis namang naaresto ang lalaki dahil sa ginamit niyang getaway vehicle na isang stand-up scooter.

Palaisipan kung bakit ito ang sinakyan ng suspek para makatakas. Pero ayon sa isang saksi, maaaring isa itong istratehiya dahil mahirap ang parking sa Paris.

"They couldn't have come in a car, it's hard to park here, very complicated. Hiring a chauffer, I think they would have been unmasked, as we could say, so he did it himself, thinking 'I am taking a scooter,'" sabi ng saksing si Corinne Guez.

Maaari din na bahagi ng disguise ng mga magnanakaw ang paggamit na lang ng scooter.

Maliban sa pangunahing suspek, nadakip din ang kasabwat niyang magnanakaw.

Hindi pa naglalabas ang mga awtoridad tungkol sa kanilang pagkakakilanlan.--FRJ, GMA News