Nahuli-cam sa India ang magkahiwalay na insidente sa kanilang train stations na muntikang madisgrasya ang dalawang lalaki na nagtangkang sumakay kahit umaandar na ang tren.

Sa video na mapapanood sa GMA News Feed, nangyari ang isang insidente sa train station sa New Delhi, India, na muntik nang mahulog sa riles at masagasaan ng tren ang biktima.

Dahan-dahan nang umaandar ang tren nang pinilit ng biktima na makasakay sa isang bagon.

Nailagay na niya ang kaniyang gamit sa bagon pero lumusot ang paa niya sa pagitan ng tren at platform nang humakbang siya.

Natumba ang lalaki at halos mahulog na sa riles.

Kaagad na nahawakan siya ng isa pang lalaking sasakay sa tren, at mabilis ding tumakbo patungo sa kanila ang isang police marshal.

Pero hindi kaagad naalis ang biktima sa pagkakaipit sa tren at nakaladkad pa siya ng ilang metro bago tuluyang nailigtas.

Noong nakaraang buwan, may katulad ding insidente na nangyari sa Borivali Station sa Mumbai, India.

Umaandar na rin ang tren nang subukan ng lalaki na sumakay pero nawalan siya ng balanse at muntik na ring mahulog sa riles at makaladkad ng tren.

Umalalay din sa kaniya ng police marshal sa istasyon.

Ang tren ang isa sa mga pangunahing pampublikong transportasyon sa India.

Dahil sa COVID-19 pandemic naging mas mahirap ang pagsakay sa ilang tren dahil sa limitado ang kapasidad.--FRJ, GMA News