Bukod sa kagandahang taglay sa kaniyang "perfect cone shape," may isa pang katangian ngayon ang Mt. Mayon ng Albay, na pinag-aaralan ng mga dalubhasa na posible raw maging gamot laban sa cancer.

Sa video ng GMA News Feed, sinabing natuklasan ng mga mananaliksik mula sa University of the Philippines Los Baños (UPLB), na may bacteria ang lupa sa Mt. Mayon na nagpapakita ng potensiyal para maging antibiotic at anti-colorectal cancer.

Ang bacteria ay natukoy bilang Strentomyces sp A1-08, na posibleng bagong species na nakuha sa bahagi ng bulkan sa Malilipot, Albay.

"We have high hopes of getting new and novel species because this is a less explored environment, a volcano," ayon kay Kristel Mae P Oliveros, Project Leader/Assist. Prof sa UPBL, Microbiology Division.

Kapag nakumpirma na ang bagong species, papangalanan itong Streptomyces Mayonensis  A1-08.

Mula sa 30 sinuring bacterial species, nakaagaw daw ng pansin sa mga nagsasaliksik ang Strentomyces sp A1-08 dahil kaya nitong labanan ang lahat ng test microorganisms, kabilang ang Staphylococcus aureus o MRSA, na kasama sa "top 10 global threats to public health" ng World Health Organization.

Hindi umano ito basta-basta tinatablan ng antibiotics kaya mahirap gamutin ang impeksiyong idinudulot nito. Dahil sa kakayanan ng Strentomyces sp A1-08 na labanan ang MRSA, isinalang din ito sa anti-colorectal cancer test at genomic analysis.

Mas mababa ang response ng crude extract ng Strentomyces sp A1-08 kumpara sa doxorubicin na isang chemotherapy drug. Gayunman, posible pa raw itong ma-develop pa para maging anti-cancer drug. --FRJ, GMA News