Hindi pinatawad ng isang lalaki ang isang karinderya sa Dasmariñas, Cavite na biniktima niya ng "palit-pera" modus matapos magkunwaring bibili ng sinigang na baboy.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, makikita sa CCTV ang salarin na kunwaring bibili ng sinigang at nag-abot ng pambayad na P1,000 papel.
Pero nang ibigay ng nagtitinda ang kaniyang sukli, biglang sinabi ng salarin na ayaw na niya ng sinigang at babawiin na lang ang ibinayad na P1,000.
Pumayag naman ang nagtitinda at nagbigay ng P1,000 sa lalaki at kinuha ang nauna niyang isinukli.
Ang lalaki, kaagad namang pinalitan ng P100 papel ang natanggap na P1,000, at sinabihan ang nagtitinda na nagkamali ito ng perang ibinigay sa kaniya.
Kinuha naman ng nagtitinda ang P100 at pinalitan ng P1,000.
Kaagad na umalis ang lalaki nang makuha ang P1,000, habang nalaman ng nagtitinda na nabiktima siya ng modus nang suriin ang CCTV.--FRJ, GMA News