Kompleto sa gamit na umaksyon ang mga tauhan ng Cebu City Disaster Risk Reduction and Management Office (CCDRRMO) para sagipin ang isang pusa na posibleng mahulog mula sa ikawalong palapag ng isang condominium building sa nabanggit na lungsod.

Sa ulat ni Allan Domingo sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, sinabing unang nakatanggap ng tawag ang Department of Veterinary Medicine and Fisheries (DVMF), tungkol sa isang pusa na nasa labas ng bintana ng isang condo unit na nasa ikawalong palapag sa Barangay Mabolo.

Hindi na makababa ang pusa sa kaniyang kinalalagyan kaya itinawag na ito ng nakakita.

Kaagad namang humingi ng tulong ang DVMF sa CCDRRMO para masagip ang pusa.

Kompleto sa gamit ang rescue team ng CCDRRMO at naging maingat ang kanilang ginawang pagsagip dahil maaaring tumalon ang pusa mula sa gusali kapag natakot sa taong sasagip sa kaniya.

Ayon kay Ramil Ayuman, pinuno ng CCDRRMO, naka-harness ang rescuer na lumapit sa pusa para sa kaniyang kaligtasan.

Gumamit naman ng net ang rescuer para ligtas na makuha ang pusa.

Sinabi rin ni Ayuman, kung may kailangang sagipin--tao man o hayop--tumawag lang sa kanilang tanggapan at tutugon sila.

Ipinaliwanag naman ni Dra. Jessica Maribojoc ng DVMF, na kahit magaling umakyat ang mga pusa ay may pagkakataon na hirap na silang bumababa.

Ibinigay sa pangangalaga ng DVMF ang nasagip na pusa.

Kamakailan lang, napuno ng tensiyon at hiyawan ang isang football game sa Florida, USA, hindi dahil sa laro, kung hindi dahil sa isang pusang lumambitin sa upper deck ng stadium.

Kumapit ang pusa sa kable at lumambitin hanggang sa tuluyang mahulog. Sa kabutihang palad, nasagip siya ng mga tao gamit ang isang watawat.

--FRJ, GMA News