"Sa harap ng malalakas na unos sa ating buhay, magpakatatag tayo at huwag matakot. (Marcos 4:35-41)"

BAGO sumapit ang nakaraang Pasko, nanalasa ang bagyong "Odette," at maraming kababayan natin sa Visayas at Mindanao ang labis na naapektuhan.

Napakasama ng "timing" ng bagyo kung kailan pa naman naghahanda ang mga tao sa pagdiriwang ng kapanganakan ng ating Panginoong Hesus.

Bukod sa maraming buhay ang nawala, marami ang nawalan ng kabuhayan. Pero gaya nang iba pang nangyaring mga kalamidad, nagtiis at nagsikap ang mga tao na makaahon sa pagkakalugmok, sa tulong na rin ng maraming  nagmalasakit.

Ano pa nga ba ang maaaring gawin sa ganitong sitwasyon kundi ang magsimulang muli at magpatuloy sa buhay. Sapagkat ang "bagyo" sa buhay ng tao ay tulad din ng bagyo ng kalikasan na dumaraan at lumilipas din.

Gayunpaman, hindi tayo dapat magpatangay at matakot sa bagyo ng buhay. Sa halip ay kailangan nating magpakatatag at patuloy na manalig sa kapangyarihan ng ating Panginoong Diyos.

Ito ang mensahe ng Mabuting Balita (Marcos 4:35-41) para sa mga taong nagpapadala sa takot at iginugupo ng labis na pagkabalisa dahil sa mga unos na dumarating sa kanilang buhay. Inaakala nilang pinabayaan na sila ng ating Panginoon.

Sakay ng bangka si Hesus at Kaniyang mga Alagad nang hampasin sila ng malalaking alon. Labis na nahintatakutan ang mga Alagad, habang nagpapahinga si Hesus. (Mk. 4:38)

Inakala ng mga Alagad na balewala lamang kay Hesus ang mga nangyayari at nasa peligro na ang kanilang buhay. Natataranta ang mga Alagad at balisang ginising si Hesus.

Kapag dumarating ang mga unos sa ating buhay, kung minsan ay nagiging kagaya tayo ang mga Alagad ni Hesus na nagpapadala agad sa takot. Nakakalimutan natin na mayroon tayong masasandalan at makakasama upang tayo tulungan at iligtas--si Hesus.

Winika ni Hesus sa Kaniyang nag-aalalang mga Alagad: "Bakit kayo natatakot? Wala pa ba kayong pananalig?" (Mk. 4:40)

Itinuturo ngayon sa atin ng Pagbasa na dumating man ang malakas na unos sa ating buhay, kailangan nating magpakatatag at manampalataya sa ating Panginoon.

Pakatandaan natin na sa hirap at ginhawa, at sa lahat ng sandali ay kasama natin ang Panginoon; lalo na sa yugto ng ating buhay na tayo ay binabagyo ng mga pagsubok. Siya'y hindi natutulog at kailanman ay hindi Niya tayo pababayaan.

MANALANGIN TAYO: Panginoong Hesus, turuan Niyo po kaming magpakatatag sa mga problemang dumarating sa aming buhay. Sa halip na matakot, mas lalo pa sana nitong palakasin ang aming pananampalataya Sa'yo. AMEN.

--FRJ, GMA News