Humingi ng payong legal ang isang ginang sa programang "Sumbungan ng Bayan" kung ano ang puwede niyang gawin laban sa kaniyang mister na may anak sa kabit.

Ayon kay Atty. Sonny Leaño, tatlong legal na hakbang ang maaaring gawin ng naturang ginang.

Una ay maaaring kasuhan ng ginang ng concubinage ang kaniyang mister at ang sinasabing babae na kaulayaw nito lalo na kung nagsasama ang dalawa.

Pangalawa, maaari din umanong kasuhan ng ginang ng paglabag sa Republic Act 9262 ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004, ang kaniyang mister 

Maaari umanong gamiting ground o dahilan ng ginang sa pagsasampa ng kasong ito ang naging psychological o emotional effect sa kaniya ng ginawang pagbabae ng kaniyang asawa.

Pangatlo, kung nagsasama pa sila ng kaniyang mister at nais na niyang hiwayan ito, maaaring magsampa ng nullity of marriage o pawalang-bisa ang kanilang kasal gamiti ang ground o dahilan na psychological incapacity.

Ayon kay Atty. Leaño, mayroong tatlong paraan sa legal na paghihiwalay ng isang mag-asawa.

Bukod sa nullity of marriage o pawalang-bisa ang kanilang kasal simula sa umpisa, maaari din ang annulment.

Pero hindi gaya sa nullity na mabubura simula sa umpisa ang kasal, sa annulment ay legal ang kasal hanggang sa mapawalang bisa.

Ang ikatlong paraan ay ang legal separation, na bagaman hindi sila hiwalay sa mata ng batas at papayagan silang magbukod o maghiwalay na ng tahanan.

Alamin ang iba pang payo sa mga usaping tungkol sa pamilya tulad ng mana at sustento sa anak, at maging ang pagtulong ng anak sa magulang na maysakit. Panoorin ang buong video.

--FRJ, GMA News