Nagpositibo sa COVID-19 kamakailan ang walong bata matapos maglaro umano sa ilegal na pinagtapunan ng mga medical waste ng isang laboratoryo sa isang barangay sa Virac, Catanduanes. Anu-ano nga ba ang mga batas tungkol sa medical waste, at ano ang kasong kakaharapin ang mga lumalabag?

Sa Kapuso sa Batas, sinabi ni Atty. Gaby Concepcion na maraming batas tungkol sa waste management na tina-target ang mga ospital, clinic at mga laboratoryo.

Kabilang na rito ang Hospital Licensure Act, Sanitation Code, Republic Act 6969 na ukol sa pagtatapon ng mga toxic at hazardous waste, at RA 9003, pati na rin ang issuances ng Department of Health at ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Base sa mga naturang batas, sinabi ni Atty. Gaby na kailangang maayos na mag-segregate ang medical facilities dahil sa kanilang infectious waste. Halimbawa na lamang ang "sharps" na kinabibilangan ng needles, blades, at mga galing sa operating room.

Bukod dito, kailangan din nilang mag-disinfect at maayos na magtago ng mga bagay na ito.

Dagdag pa ni Atty. Gaby, hindi rin pwedeng paghaluin ang medical wastes sa mga ordinaryong basura na galing sa mga bahay, pagdating sa pagtatapon sa mga sanitary landfill.

Maaaring masuspinde, ma-revoke ang lisensiya, at magbayad ng monetary fines ang anumang health care facility na hindi susunod sa waste disposal protocols.

Kaya dapat panagutan ng anumang laboratoryo o pasilidad ang perwisyo sa tao na idinulot ng kanilang pagpapabaya sa pagtatapon ng kanilang mga basura, tulad ng pagsagot sa pagpapagamot ng mga apektado.

Nagpaalala din si Atty. Gaby sa mga nasa tahanan na isipin din ang kapakanan ng nakararami pagdating sa pagtatapon ng medical waste tulad ng mga ginagamit na face mask at anti-gen rapid test.

Ipinaalala niya na sundin ang nakasaad sa RA 9003 o Ecological Solid Waste Management Act, tungkol sa tamang paraan ng pagtatapon ng basura, pati na ang medical waste.

Ayon sa naturang batas, ipinagbabawal ang hindi pag-segregate o maayos na paghihiwalay ng mga basura. Aniya, dapat hindi isama sa karaniwang basura sa bahay ang mga medical waste.

Ang sinomang lalabag ay pagmumultahin ng P3,000 at hanggang anim na buwang pagkakakulong.

May polisiya rin ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na dilaw na plastic bag ang dapat gamitin sa medical waste para maabisuhan ang mga kolektor ng basura at maitapon ito nang maayos. Kung maaari rin, i-disinfect sa bleach o chlorine ang hazardous waste bago itapon.

Maaari ring kontakin ang local government unit kung paano maitatapon nang maayos ang medical waste.

--FRJ, GMA News