Ano ang kaya mong iwan at isuko alang-alang sa paghahari ng Diyos? (Marcos 10:28-31). “At nagsalita si Simon Pedro. Tingnan po ninyo Panginoon, iniwan na namin ang lahat at kami’t sumunod sa inyo”. (Marcos 10:28)

Mayroon akong kakilala na hindi matatawaran ang pagmamahal at pag-ibig niya sa kaniyang asawang “bed ridden.” 

Matiyaga niyang inaalagaan ang kaniyang kabiyak. Siya ang nagpapakain, nagbibihis at nag-aasikaso sa lahat ng mga pangangailangan nito.

Mahirap ang kaniyang sitwasyon at pinagdadaanan. Halos hindi na siya nakakapasok sa kanilang trabaho para matutukan ang kaniyang maysakit na asawa.

Wala silang puwedeng asahan para makatulong dahil hindi sila nabiyayaan ng anak. Nasa malayo ring lugar ang kanilang mga kamag-anak.

Gayunman, hindi siya sumuko at malugod pa rin niyang pinagsisilbihan ang kaniyang asawa kahit na napakahirap. Kinakaya at tinitiis niya ang lahat alang-alang sa pagmamahal at pag-ibig niya sa kaniyang misis.

Napakasarap pakinggan ang mga salitang “handang ibigay ang lahat alang-alang sa pag-ibig”. Ang ibig sabihin lamang nito ay ang kahandaang magsakripisyo para sa taong minamahal mo.

Ipinagdiriwang natin ngayong araw ang Miyerkules ng Abo (Ash Wednesday), na hudyat ng pagsisimula ng panahon ng Kuwaresma. Ito din ang panahon para tayo ay magtika o magnilay, magsisi sa ating mga kasalanan at magbalik-loob sa ating Panginoong Diyos.

Hinahamon tayo ngayon ng Ebanghelyo (Marcos 10:28-31) kung ano ba ang kaya din nating iwan, talikuran, ibigay at isakrpisyo, alang-alang sa pag-ibig natin sa ating Panginoong HesuKristo.

Winika ni Pedro kay Hesus na iniwan nila ang lahat para lamang sumunod sa Kaniya kapalit ng “buhay ng walang hanggan.”

Nangangahulugan na buong pusong isinuko ng mga Alagad ni Hesus ang lahat ng mga bagay na mayroon sila sa ibabaw ng mundo alang-alang sa “Kaharian ng Diyos”.

Katulad ng mga Apostol, ano-ano rin kaya ang mga bagay na kaya nating isuko at iwanan alang-alang sa “Kaharian ng Diyos?” Sapagkat ang pagsuko ay nangangahulugan ng “buong pusong” pagbibigay.

Kaya ba natin iwan, talikuran at isuko ang mga layaw sa mundo para lamang magpasakop sa ating Panginoong HesuKristo? Kaya ba natin talikuran ang kasalanan para magbalik-loob sa Diyos? At kaya rin ba natin mamuhay sa liwanag sa halip sa kadiliman?

MANALANGIN TAYO: Panginoon, turuan Niyo po kami na matutunan namin ang magsakrpiyo at iwanan ang mga bagay na mayroon kami alang-alang sa aming pag-ibig Sa'yo. Sapagat balewala ang mga sakripisyong ito, kumpara sa tiniis at isinakrpisyo Niyo para kami ay maligtas mula sa kasalanan. AMEN.

--FRJ, GMA News