Kahit nitong Enero lang nagsimulang mag-TikTok ang 21-anyos na si Christian, umabot na sa halos 200,000 ang followers niya at may 12 milyon views ang video. Ang kaniyang dahilan-- salamat filter!

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabi ni Christian na marami ang humahanga sa kaniyang Oppa looks at may mga nagpapadala na sa kaniya ng produkto para iendorso niya.

Kaya naman dahil sa kaniyang kinikita, nakatulong siya sa kaniyang pamilya, nakapagpagawa ng maliit na tindahan, nakabili ng alagang baboy at mayroon na rin siyang kaunting ipon.

Aminado naman siya na parang niloloko niya ang mga tao kapag naka-filter siya. Pero kailangan niya raw gamitin ang naturang teknolohiya dahil doon siya magugustuhan ng mga tao.

"Kasi totoo naman po almost lahat po ng mga tao yon po ang hinahanap...kagwapuhan," saad niya.

Pero paglilinaw ni Christian, sinasabi niya ang totoo tungkol sa kaniya at sa paggamit niya ng filter kapag may nagpi-PM sa kaniya para magpa-endorso ng produkto.

At kahit nga inaamin din niya na naka-filter siya, may mga netizen pa rin na nanghuhusga sa kaniya.

Sa social experiment na ginawa ng "KMJS" team, ipinakita sa ilang tao ang larawan ni Christian na naka-filter.

Gaya ng mga nakakapanood ng kaniyang TikTok video, marami ang humanga sa kisig, ganda ng ngiti, makinis na kutis at mapungay na mga mata ni Christian.

At kinalaunan, lumapit na sa kanila si Christian na in person at no filter. Ano kaya ang magiging reaksyon ng mga tao sa "tunay" na si Christian?

Tunghayan ang buong kuwento ni Christian at ang reaksyon ng kaniyang ama na tutol sa pagti-TikTok ng kaniyang anak. Panoorin ang big reveal sa video.

--FRJ, GMA News