Ang duyan ang nagbibigay ng magandang alaala ng ating pagiging bata at pagmamahal ng ating mga magulang. Pero ang 14-anyos na si Mark, ang duyan ang kaniyang naging bilangguan.

Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," makikita na sira-sira na ang duyan na gawa sa lambat kung saan inilalagay ng mag-asawang Dina at Boyet ang kanilang anak na si Mark, na may intellectual disability.

Panganay sa apat na magkakapatid si Mark. Pero nang mag-iisang-taong-gulang siya, nakaranas daw ito ng kombursiyon.

Isang linggo raw na walang malay si Mark. At dahil sa kapos sa pera, napilitan silang ilabas na ng ospital ang bata nang hindi nila lubos na nalaman ang nangyari sa kanilang anak.

Hanggang sa nang lumaki si Mark, naging malikot daw ito at ibinabato ang mga nadadampot. Kaya masakit man sa kanilang kalooban, napilitang ang mag-asawa na "ikulong" si Mark sa duyan.

Kailangan daw nila itong gawin para maprotektahan ang anak, para makakilos si Dina, at makapaghanap buhay si Boyet.

Sa tabi na rin duyan pinapaliguan at pinapakain si Mark. Pagsapit ng gabi kapag umuwi na si Boyet, inaalis na ang anak sa duyan upang patulugin sa papag katabi ang ama.

Sa nakalipas na 10 taon, sa duyan na umano umikot ang mundo ni Mark.

"Hindi ko maisip na paano ang aming anak kung kami'y matanda na, eh siya tumatanda na rin. Baka hindi namin kayanin," umiiyak na sabi ni Dina.

Pero hanggang kailan kaya maaaring ikulong si Mark sa duyan? May pag-asa pa kayang makalaya ang binatilyo sa kaniyang "bilangguan?"

Ipinasuri ng "KMJS" si Mark sa mga duktor at inilapit ang kalagayan ng kaniyang pamilya sa lokal na pamahalaan. Panoorin sa video ang pag-asang naghihintay sa binatilyo.

--FRJ, GMA News