Naantig ang maraming netizens nang maiulat na nagyapak ang isang teacher sa face-to-face graduation sa Zamboanga City para ipahiram ang kanyang sapatos sa isang graduating student.

Nakapila na raw paakyat ng stage ang naka-toga na estudyanteng si Rey Paul Daval sa kanilang paaralan nang mapansin ng gurong si Christian Carpio ang sapatos nito na balot sa scotch tape, ayon sa ulat sa 24 Oras Weekend nitong Sabado batay sa impormasyon ng GMA Regional TV One Mindanao.

Agad hinubad ni Carpio ang kanyang sapatos at ibinigay sa estudyante.

Ayon kay Carpio, alam niya ang nararamdaman ng estudyante dahil hindi rin kagandahan ang sapatos niya noong nag-aaral pa siya.

Matapos ang graduation ay isinosoli ng estudyante sa guro ang sapatos nito, ngunit ipinauwi na lang ito ni Carpio sa bagong graduate bilang regalo. —KG, GMA News