Tumulad tayo kay Hesus na inuna ang kapakanan ng iba kasya sa Kaniyang pansariling interes (Mateo 14:13-21).

SA panahon natin ngayon, umiiral sa marami ang walang pakialamanan. Yung tipong 'wag mo 'kong pakialaman, at 'di kita pakikialaman. O kaya naman ay hindi mo dapat pakialaman kung ano man ang ginagawa ng ibang tao.

Marahil ay ganito ang pananaw at ugali ng ilan sa atin. Ang katwiran natin ay wala tayong pakialam sa ibang tao hangga’t hindi naman tayo apektado ng kanilang kalagayan; at wala tayong pakialam kung wala din naman tayong mapakikinabangan o mapapala sa kanila.

May ilan din naman na ang pananaw nila ay bago sila tumulong sa ibang tao ay uunahin na muna nila ang kanilang sarili. Ang pansariling interes muna nila ang una bago ang kapakanan ng kanilang kapuwa.

Matuto tayo kay Hesus, ayon sa mensahe ng Mabuting Balita (Mateo 14:13-21). Matutunghayan natin sa Pagbasa na matapos marinig ni Hesus ang pagkamatay ng Kaniyang pinsan na si Juan Bautista, Siya’y nagtungo sa isang lugar na walang tao.

Marahil ay nais ng ating Panginoon na mapag-isa para Siya’y makapag-muni-muni o makapag-isip-isip dahil sa Kaniyang labis na kalungkutan. Maaaring gusto muna ni Hesus na magpag-isa habang siyang nagdadalamhati sa pagkamatay ni Juan Bautista.

Subalit matutunghayan natin sa Ebanghelyo kung paaano pinairal ni Hesus ang Kaniyang awa para sa mga tao. Isinangtabi Niya ang Kaniyang pangsariling katahimikan para sa kapakanan ng mga taong naghahanap at lumapit sa Kaniya. (Mateo 14:14)

Sapagkat pagdating Niya sa dalampasigan kung saan nais sana Niyang mapag-isa, nakita Niya ang nakaparaming tao. Nagalit ba ang Panginoon nang makita ang mga tao ay makasisira sa plano Niyang "me time?" Hindi.

Mas nangibabaw sa ating Panginoon ang pagmamalasakit at pagmamahal sa mga tao. Mas inuna Niya ang pangangailangan at kapakanan nila kaysa sa Kaniyang pansariling interes.

Oo nga’t siya’y nalulungkot dahil sa pagkamatay ni Juan, pero nakita ni Hesus na mas importante ang mga tao kaysa sa Kaniyang pansariling nararamdaman sa harap ng Kaniyang pagdadamhati.

May pangangailangan din naman si Hesus para sa Kaniyang personal na buhay. Subalit mas nakita Niya ang kapakanan ng mga taong ito, nakita rin ni Hesus na mas mabigat ang pangangailangan nila kumpara sa Kaniyang personal na pinagdadaanan.

Ganito rin ang nais ituro ni Hesus sa Kaniyang mga Alagad matapos Niyang sabihin na sila ang magbibigay sa mga tao ng kanilang makakain at hindi na nila kailangan pang magtungo sa mga kalapit na nayon para maghanap ng pagkain. (Mateo 14:15-16).

Itinuturo sa atin ng Pagbasa na huwag tayong maging makasarili na laging ang sarili lamang natin ang ating pinahahalagahan. Kung minsan, ginagawa natin ang gusto natin na makasisiya sa ating kalooban kahit pa batid natin na may ibang mapeperwisyo o masasaktan.

Matutunan din sana natin ang tingnan ang kalagayan ng ibang tao sa ating paligid na maaaring nangangailangan ng tulong o kahit man lang atensiyon. Gaya ng mga taong naghahanap ng makakausap upang makapaglabas ng kinikimkim sa dibdib. Ang pakikinig ay maaaring maliit na bagay pero maaari ding malaking bagay para sa ibang naghahanap ng makakausap. 

Hindi rin mahalaga kung kakaunti lamang ang maitutulong natin sa ating kapuwa. Dahil katulad ng limang tinapay at dalawang isda sa Ebanghelyo (Mateo 14:17) na ipinakain sa maraming tao, kayang paramihin din iyan ng Diyos sa pamamagitan ng tulong na magmumula sa iba.  

Ang mahalaga ay ipinakita natin ang ating pagmamalasakit at pagmamahal para sa mga taong nangangailangan, nagugutom o naghihikahos. Maraming ganitong tao ngayong panahon ng pandemiya. Marami ang nangangailangan ng tulong, hindi man marahil direktang pinansiyal, tulad ng trabaho.

Tularan nawa natin ang ginawa ng ating Panginoong Hesus na hindi Niya inuna ang pansariling interes. Sa halip ay mas pinahalagahan Niya ang pangangailangan ng mga tao. Ibinahagi niya ang Kaniyang panahon at atensiyon para sa mapakinabangan ng iba. AMEN.

--FRJ, GMA News