Nag-grocery sa modern world ang karakter ni Juancho Triviño na si "Padre Salvi," at hinimatay ito nang makita ang presyo ng sibuyas.
Sa video na ipinost ni Juancho sa Instragram, makikita ang kaniyang karakter sa "Maria Clara at Ibarra" series na si Padre Salvi, kasama ang mga alalay na sina Renato (Kiel Rodriguez) at Don Tiburcio (Roven Alejandro), na nagtungo sa grocery store.
"Dahil kailangan ko maghanda para sa nararating na Fiesta ng San Diego, kailangan muna namin ng aking mga Amigo mamili," saad sa caption ng post.
"Mabuti nalang napadpad kami dito sa bagong bayan ng San Diego kung saan nandoon daw ang lahat na aming pangangailangan," patuloy niya.
Nagulat pa kunwari ang tatlo nang malaman na puwedeng ipasok sa tsinelas sa loob mismo ng pamilihan.
Sa loob, inilahad ni Padre Salvi ang mga kailangan nilang bilhin. Nang suriin niya ang presyo ng sibuyas, biglang nawalan ng malay ang pari.
Mabuti na lang at naalalayan si Padre Salvi ng kaniyang mga alalay kaya hindi tuluyang bumagsak sa sahig.
“Napaka mahal niyan!” ani Padre Salvi. “Mauubos ang ating indulhensiya na kinukuha sa taumbayan ng San Diego.”
Bago umalis, naghanap pa si Padre Salvi ng shampoo para sa kaniyang pamosong buhok.
Pero nang magbabayad na, wala pala silang dalang pera.
“Kwentuhan ang ating dadalhin sa fiesta. Vamonos!," patuloy niya.
Ang skits na ginagawa ni Juancho ay paraan upang magpasaya ang mga netizen sa pamamagitan ng kinaiinisang karakter niya na si Padre Salvi.—FRJ, GMA Integrated News