Ilang sawa ang nakitang pagala-gala sa isang palengke sa Tagbilaran, Bohol at mistulang pinapanood ang mga namamalengke.
Sa ulat ng Balitanghali, mapapanood ang video ng isa sa mga ahas na gumagapang pa sa bubong ng pamilihan.
Sa ulat naman ng GMA Regional TV Balitang Bisdak, na iniulat din ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing hindi maiwasang matakot ang ilang mamimili kapag nakita ang malaking reticulated python na gumagapang sa itaas ng palengke.
Tila pinanonood pa ng ahas mula sa kisame ang mga namimili.
Ang ilang nagtitinda, nasasanay na raw na makakita ng mga sawa sa palengke at hinahayaan na lamang nila ang mga ito.
Nawawala rin naman daw ang mga sawa at kung minsan ay nagtatago sa sulok. Pero hindi malinaw kung saan nanggagaling ang mga sawa.
Walang kamandag ang mga sawa, at kilala rin bilang harmless snake.
Ilegal ang paghuli at pagpatay sa mga ahas, maliban na lamang kung malalagay sa peligro ang buhay ng tao, ayon sa Republic Act 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act.
Maigi na i-report agad sa mga awtoridad kapag may nakitang ahas.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News