Pinag-usapan sa social media kamakailan ang pahayag ng magkasintahang EA Guzman at Shaira Diaz sa "Fast Talk With Boy Abunda" na pinaiiral nila sa kanilang 11 taong relasyon ang "celibacy" o hindi pagsisiping dahil hindi pa sila kasal.

Pag-amin ni EA, nahirapan siya pero tiniis niya ito bilang paggalang sa kaniyang magiging kabiyak na si Shaira.

“Pero noong may sinabi siya sa akin na ‘Kung mahal mo talaga ako, hihintayin mo ako,’” pag-alala ni EA na sinabi sa kaniya ng dalaga. “Doon ako tinamaan. Iyon ang lagi kong sinasabi sa sarili ko kapag ka nakakaramdam ako ng ganito.”

Bukod kina EA at Shaira, may iba pang celebrity couples na nagpasyang pairalin sa kanilang relasyon ang patakarang kasal muna bago siping.

1. Drew Arellano at Iya Villania

Nagpatupad din ng celibacy sina Iya Villania at Drew Arellano hanggang sa ikinasal sila noong 2014.

"It doesn't make you less of a person. Kanya-kanya namang values 'yan, eh," sabi ni Iya sa kaniyang nagdaang panayam.

Matapos ang 10 taong pagsasama, mayroon na ngayong apat na anak sina Iya at Drew na sina Primo, Leon, Alana, at Astro.

2. Matteo Guidicelli at Sarah Geronimo

Iginalang din ni Matteo Guidicelli ang desisyon ni Sarah Geronimo na kasal muna bago siping hanggang sa ikinasal sila noong 2020.

Noong nakaraang taon, sinabi ni Matteo na handa na siyang maging ama at ang makasama si Sarah sa habambuhay ang kaniyang ultimate goal.

3. Mariz Umali at Raffy Tima

Pinairal din ng GMA Network's veteran broadcast journalists na sina Mariz Umali at Raffy Tima ang desisyon na kasal muna bago siping.

Bilang isang debotong Katoliko, nais ni Mariz na ialay ang sarili sa lalaking kaniyang pakakasal na nangyari noong 2012 sa katauhan ni Raffy.

"Talagang na-instill sa akin of getting married first before going into making love or having sex," sabi ni Mariz sa isang panayam.

4. Nikki Gil at BJ Albert

Naging matibay din ang paniniwala ni Nikki Gil sa kasal muna bago siping na sinuportahan naman ng kaniyang naging asawa na si BJ.

Ikinasal ang dalawa noong 2015,  at mayroon na sila ngayon na dalawang anak na sina Finn at Maddie.

5. Miriam Quiambao at Ardy Roberto

May naunang nang naging asawa sina Miss Universe 1999 first-runner-up Miriam Quiambao at Christian author and motivational speaker na si Ardy Roberto bago sila nagpakasal nong 2013.

Gayunpaman, nagkaroong ng "purity pledge" ang dalawa na hindi sila magsisiping hanggat hindi sila nagpapakasal.

Ipinaliwanag ni Miriam na ang purity pledge ay isang paraan ng pagpupugay sa kaniyang Christian beliefs at i-"preserve" ang kaniyang sarili sa kaniyang magiging asawa.-- mula sa ulat ni Jade Veronique Yap/FRJ, GMA Integrated News