Inamin ni EA Guzman na hindi naging madali sa kaniya ang pagsasagawa ng celibacy o pag-iwas sa pakikipagtalik bago ang kasal sa fiancé niyang si Shaira Diaz.

“First two years namin umiiyak ako sa kaniya, kasi ang hirap. To be honest ang hirap. Noong time na iyon parang hindi ko na kaya. Kasi siyempre 'di 'ba?” natatawang sabi ni EA sa “Fast Talk with Boy Abunda.”

Pag-amin ni EA sa kaniyang nobya, “Sabi ko talaga sa kaniya, ‘Baba, hindi ko na kaya.’”

Gayunman, sinabi ni EA na nanindigan si Shaira sa pinaniniwalaan nito.

“Pero noong may sinabi siya sa akin na ‘Kung mahal mo talaga ako, hihintayin mo ako,’” pag-alala ni EA na sinabi sa kaniya ng dalaga.

“Doon ako tinamaan. Iyon ang lagi kong sinasabi sa sarili ko kapag ka nakakaramdam ako ng ganito,” pagpapatuloy ng aktor.

Ito ang hugot ni EA kung bakit nasabi niyang labis niyang pinahahalagahan si Shaira.

“Sabi ko nga noong nag-announce kami sa engagement namin, I respect Shaira a lot, kung alam lang nila,” sabi ni EA.

Sinabi naman ni Shaira na sinusunod niya ang celibacy bilang paggalang sa kaniyang mga magulang.

“Kasi ako po ino-honor ko po ‘yung family ko, especially my mom and dad. Iyan po ang promise ko sa kanila talaga na kahit iwan mo ako saan, ito buo-buo pa rin ako,” sabi ni Shaira.

“Sabi nila iyon ‘yung best gift na mabibigay mo sa magiging asawa mo,” dagdag niya.

Ipinagdiwang nina Shaira at EA ang kanilang ika-11 anibersaryo noong nakaraang Pebrero 17.

Una silang nagkita sa isang reality show, hanggang sa ma-develop ang feelings nila sa isa’t isa matapos mag-perform sa isang mall show.

Nauna nang inihayag ni Shaira na gusto niyang pakasalan si EA matapos ang kaniyang college graduation na nakatakda sa Agosto.  — VBL, GMA Integrated News