Maalat man ang itlog na pula o itlog na maalat, matamis naman daw ang hatid nitong kita kapag ginawang negosyo.

Sa programang Unang Hirit, ipinakita ang pagawaan ng itlog na malaat ni Ronnie Rodriguez sa Pateros.

Dahil all-year-round ang bentahan ng itlog na maalat, umaabot umano sa 6,000 hanggang 7,000 ang itlog na maalat na nagagawa nina Mang Ronnie.

Ang itlog na ginagawa nilang maalat, mga itlog ng itik.

Ang hilaw na itlog, ibinuburo o ibinababad sa putik na may asin upang umaalat sa tradisyunal na paraan.

Ayon kay Mang Ronnie, 12 araw hanggang 15 araw ibinababad sa putik ang itlog, depende kung gaano kaalat ang gustong gawin sa itlog.

Pagkatapos iburo, huhugasan ang itlog at saka pakukuluan o lulutuin sa loob ng 45 minuto hanggang isang oras.

At kapag nailuto na, hahanguin ang itlog at saka ilulublob sa food coloring na kulay pula. Pagkatapos nito, patutuyuin lang ang itlog at puwede nang ibenta.

Ayon kay Mang Ronnie, nagkakahalaga ng P14 hanggang P15 ang presyo ng bawat piraso ng itlog, depende kung gaano karami ang bibilhin. -- FRJ, GMA Integrated News