Ang mistulang lumot sa dagat na nakuhanan sa drone sa Long Beach sa San Vicente, Palawan, gumagalaw at nag-iiba pa ng hugis.Nakunan ng video ng negosyanteng si Eric Abad sa pamamagitan ng drone ang kakaibang pigura sa dagat noong umaga ng April 23.Mula sa himpapawid, tila lumot ang pigura sa dagat pero nagbabago-bago ang hugis. Kitang-kita ito dahil sa napakalinaw ng tubig kaya rin dinadayo ng mga turista.Ang tila lumot, kumpulan pala ng mga isdang "tigue" na tinatawag na "bait ball.""Ang purpose lang sana ng drone ko is to feature our Long Beach since sobrang linaw ng dagat namin dito sa Brgy. New Canipo. Then nung makita ko yung school of fish, nakakamangha siya kasi nagpo-form siya ng iba't ibang image," sabi ni Eric sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed.Paliwanag ng mga eksperto, bait ball ang tawag sa kumpulan ng mga isda na ginagawa rin ng sardines, anchovies at mackerel.Ginawa nila ang bait ball bilang depensa sa predators o mas malalaking isda gaya ng pating.Pero hindi umano nagtatagal ang bait balls dahil kailangan ng mga isda ng maraming energy para mapanatili sa kanilang formation.Ang pagkakaroon umano ng bait ball ay isang indikasyon na mayaman at maganda ang kondisyon ng karagatan sa lugar. -- FRJ, GMA Integrated News