Namangha at nagulat ang isang grupo ng mga residente matapos nilang mahukay ang napakabigat na tila bato na mistulang malaking bagang o ngipin sa loob ng isang kuweba sa Davao de Oro. Posible kayang galing ito sa sinaunang hayop gaya ng dinosaur at mayroong katumbas na malaking halaga? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” mapapanood ang pagbabayanihan ng grupo nina “Peter,” hindi niya tunay na pangalan, para mailabas ang tila bato mula sa loob ng isang kuweba.

Nang mailabas ang bato, sinukat nila ito at napag-alamang may lapad na apat na pulgada, at may nakausli pang mistulang maliit na ngipin. Nakadikit ang mga ito sa isang pahabang bato na nasa 34 pulgada naman ang haba.

Oktubre noong nakaraang taon pa nakuha ng grupo ang gahiganteng tila ngipin o bagang. Umaabot ang timbang nito ng 55 kilos.

Nang ipa-laboratory test nila ang kanilang nahukay, napag-alaman nila na mayroon itong 2.994% na Silicon at 38.963% na Calcium.

“Kaya kumbinsido ako na ito ay ngipin,” sabi ni Peter.

Sa kabila nito, nag-alangan silang ilapit ito sa mga awtoridad.

“Baka ma-recover ng gobyerno. Ito lang ang kinatatakutan ng mga kasamahan ko, pati ako, ‘yan din ang iniisip ko. Baka kukunin ng gobyerno, hindi na mapakinabangan,” sabi ni Peter.

Sa mga nagdaang buwan, salitan nila itong ikinubli sa kanilang mga bahay, sa paniniwalang ito na ang sagot sa matagal na nilang mga panalangin. Pinaniniwalaan din kasi nila na may katumbas na malaking halaga ang bagay na kanilang natagpuan.

Gayunman, alam ng grupo na ilegal ang kanilang ginagawa. Gustuhin man nilang dumaan sa tamang proseso para kumuha ng mga permit, wala silang pambayad.

“May pinag-usapan kami, P50 million. ‘Yung iba namang kasamahan namin, nag-research sila, mayroon daw presyo mas mataas. Gamitin namin sa pagsasaka, tapos sa pamilya, pagpapaaral sa mga anak,” sabi ni Peter.

Hanggang sa maisip ng grupo nina Peter na mag-e-mail sa KMJS para matukoy ang kanilang nakuha sa kuweba.

Upang malaman kung bahagi nga ng isang uri hayop ang nakuha nila Peter, inilapit ito ng KMJS kay Dr. Darrell Blatchley, isang kilalang conservation scientist at museum founder ng D' Bone Collector Museum.

Alamin sa video kung ano ang nakuhang bagay nina Peter at kung tama ang hinala nila na may katumbas itong malaking halaga. Panoorin. – FRJ GMA News