Dalawang tinapay na may palaman na mga karayom ang nakita ng isang lola sa loob ng bakuran ng kaniyang bahay sa Pulupandan, Negros Occidental. Hinala niya, plano ng nag-iwan ng mga tinapay na makain ito ng kaniyang mga alagang aso.
Sa ulat ni Adrian Prietos sa GMA Regional TV Ratsada Balita nitong Biyernes, sinabing nakita ng 69-anyos na lola na si Rutchel Delos Santos, ang mga tinapay nitong Miyerkoles.
Kinuha umano niya ang isang tinapay na plano nang kainin ng isa niyang alagang aso. Pero nang hawakan niya ang tinapay, natusok ang kaniyang daliri.
Nang buksan ni Delos Santos ang tinapay, doon na niya nakita na may mga karayom pala ang mga ito sa loob.
Maaari umanong napahamak ang mga aso niya kung nakain ng mga ito ang tinapay, na hindi niya alam kung sino ang naghagis sa kaniyang bakuran.
Pero may hinala ang mga opisyal ng barangay na posibleng sinadya ang pag-iwan doon ng mga tinapay na may karayom dahil may natanggap silang report na naghahabol ng mga taong dumadaan sa lugar ang mga aso.
Ipinaalala naman may parusa sa sino mang mananakit at magmamalupit sa mga hayop – tulad ng aso-- sa ilalim ng Animal Welfare Act. – FRJ GMA News
