Mistulang isa-'salvage' ang hitsura ng tatlong aso na ibebenta umano para katayin ang nasagip ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Villasis, Pangasinan.
Nakatali ng alambre ang mga nguso at pati ang mga paa ng mga aso nang makita ng mga operatiba at kinatawan ng animal rights group na Animal Kingdom Foundation, na kasama sa operasyon.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing dalawang lalaki ang nadakip ng mga awtoridad matapos magkahabulan dahil nakatunog daw ang mga suspek sa naturang operasyon.
Sa pagmamadali, iniwan nila ang dala nilang sako na naglalaman ng aso.
Gayunman, iginiit nina Daniel Motya at Christian Sibayan na hindi sila sangkot sa bentahan ng mga aso.
"Akala ko basura, binitawan ko ser. Tapos papasok sana ako, biglang nagtatakbuhan sila kaya tumakbo na rin lang ako," sabi ni Motya.
"Wala po akong kasalanan, tinawag lang ako, nakatulog ako," depensa naman ni Sibayan.
Bago ang gawin ang rescue operation sa mga aso, nakunan din ng surveillance camera ang bentahan ng karne ng aso na mga menor de edad ang ginagamit.
"Sa mga kababayan po natin, iwasan po nating magbenta ng aso. Alam naman natin na bawal sa batas," panawagan ni SPO2 Ariston Nobal ng CIDG-Pangasinan.
Ibibigay ang mga nailigtas na aso sa pangangalaga ng Animal Kingdom Foundation para sa kanilang rehabilitasyon.
"Dadalhin po 'yan sa Animal Kingdom Foundation para alagaan at ire-rehab sila at kung puwede na sila, natanggal na yung trauma nila sa tao, puede na silang ipapa-adopt," sabi ni Allan Pekitpekit. -- Rie Takumi/FRJ, GMA News