Tuloy sa pag-kwak-kwak ang nasa 60 pato at gansa sa Dax, France matapos silang kampihan ng korte kaugnay sa reklamo ng kanilang kapitbahay na maingay sila.

Ayon sa ulat ng Reuters, taliwas sa reklamo na sobrang ingay ng mga pato na inaalagaan ni Dominique Douthe na nasa paanan ng bundok sa Pyrenees,  sinabi ng korte na nasa acceptable limit pa naman ang ingay ng mga hayop.

“The ducks have won,” sabi ni Douthe, na labis ang kasiyahan dahil ayaw daw niyang patayin ang kaniyang mga alaga kung sakaling hindi pumabor sa kanila ang desisyon ng korte.

Ang reklamo ay isinampa ng kapitbahay ni Douthe, na mula sa lungsod ay lumipat sa kanayunan para doon manirahan.

Katwiran ni Douthe, bahagi ng paninirahan sa kanayunan ang ingay ng mga hayop.

Ang kaso ng mga pato ay ilan lang umano sa mga kasong idinudulog sa korte na may kaugnayan sa mga reklamo tungkol sa hayop ng ilang dating naninirahan sa lungsod at lumilipat sa kanayunan.

READ: Karapatan ng manok na si 'Maurice' na mag-ingay, kinatigan ng korte

Nitong nakaraang Setyembre, isang tandang din ang kinatigan ng korte na maaaring tumilaok matapos magreklamo ng ingay ang kanilang kapitbahay.-- Reuters/FRJ, GMA News