Inihayag ng Department of Health nitong Martes na maaaring gumamit ng mga alternatibong pantakip sa ilong at bibig ang mga tao na hindi kayang bumili ng N95 face masks na tumaas na ang presyo dahil sa dami ng nangangailangan.

Ayon kay DOH Assistant Secretary Ma. Francia Laxamana, puwedeng pamalit sa nabanggit na maskara tulad ng diaper, at maging ang panty at bra.

READ: Diaper, ginamit na kapalit ng face mask

“Meron pa ibang creative ways of doing things. Isa po yung kamiseta, ilagay ninyo po. Meron pong isang creative, yung bra at panty,” paliwanag ni Laxamana sa pulong balitaan sa Malacañang.

“Ang diapers open so pwede po siya. Actually kung titingnan niyo ang mga diapers merong dry. Puwede niyong basain nang konti para hindi kayo ma-suffocate.”

Dahil sa pagbuga ng abo ng Taal Volcano, sinabi ng DOH na maaari itong maging sanhi ng nose at throat irritation, pag-ubo, mga sakit na tulad ng bronchitis, problema sa paghinga, eye irritation at minor skin problems.

Mas makabubuti umano na manatili muna sa bahay para hindi makalanghap ng abo, at kung lalabas ay gumamit ng dust mask sa mga lugar na apektado ng ashfall.

Dahil sa lawak ng naapektuhan ng ashfall ng Taal na umabot sa Metro Manila nitong Linggo, dumami ang pangangailangan sa face mask.

Nangako si Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes na magpapatupad ng price cap sa face mask, habang nagbanta ang Department of Trade and Industry na hahabulin ang mga mapagsamantalang tindahan na nagpatupad ng labis-labis na presyo sa face mask. — FRJ, GMA News