Isang lalaki na inireklamo ng panghahalay ng isang 16-anyos na babae ang naaresto ng mga awtoridad sa Quezon City. Ang suspek na aminadong "marupok," nasakote nang makipag-eyeball sa inakala niyang ka-date na mga pulis pala.

 


Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, nasakote ang 28-anyos na suspek na si Darwin Retaga sa loob ng isang food chain sa Cubao, Quezon City.

Ayon sa pulisya, isang "asset" nila ang nakipag-chat kay Retaga hanggang sa mag-set ito ng "eyeball" o makipagkita.

"Siya ang nag-set ng lugar kung saan sila mag-a-eyeball para makaiwas ng suspetsa. Pinagbigyan namin [kung] saan niya gusto," ayon kay Police Staff Sergeant Ed Rommel Fajutag, EPD-Special Operations Unit.

Hindi na nakapalag si Retaga nang posasan at arestuhin sa kasong panggagahasa sa isang 16- anyos na babae na nangyari umano noong nakaraang taon sa Pasig City.

"Sa kaniya na rin nagmula na pagkatapos nilang mag-inuman, doon na niya nagawa yung kahalayan sa biktima," ayon kay Fajutag.

Pero paliwanag ni Retaga, ang babae umano ang may gusto na makipag-inuman at pineperahan umano siya.

Bagaman aminado siya na naging marupok siya nang gabing mangyari ang krimen, hindi naman daw tama na ibaon siya sa kasalanang hindi naman daw niya ginawa.

Samantala, nadakip naman sa hiwalay na operasyon ng special operations unit ng Eastern Police District ang 22-anyos na dancer, na inireklamo rin ng panghahalay ng isang babaeng menor de edad.

Naaresto ang suspek sa Mandaluyong habang nasa dance rehearsal ilang araw bago siya lumipad para lumahok sa isang dance contest.

Batay sa reklamo, inaya rin umano ng suspek ang biktima na makipag-inuman bago maganap ang krimen.-- FRJ, GMA News