Panoorin ang modus ng isang grupo ng mga kawatan na humahalo sa mga pasahero at nakikipagsiksikan sa pagsakay sa mga pampublikong sasakyan sa Quezon City. Ang isang kawawang biktimang babae, walang kamalay-malay na natangayan ng cellphone.   

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, makikita sa CCTV camera ang biktima kasama ng iba pang pasahero na nag-aabang ng masasakyan sa Quirino Highway sa Barangay Bagbag sa Novaliches, Quezon City.

Nang dumating ang isang jeep, sumakay ang biktima pero dalawang lalaki ang sumabay sa pag-akyat at pinagitnaan siya. Makikita ang isang salarin na nauna sa pag-akyat na tila humarang upang hindi kaagad makapasok ang babae.

Samantala, ang isa pang salarin na may hawak ng lab gown, mabilis na nasikwat ang cellphone ng biktima sa kaniyang bulsa.

Nang makuha ang cellphone ng biktima, kaagad ding bumaba ang dalawang lalaki.

Pero ayon sa mga opisyal ng barangay, may isa pang kasama ang grupo na nagsisilbing "spotter" o tagahanap ng kanilang mabibiktimang pasahero.

Ilang ulit ding nakita ang mga salarin na sumasampa ng jeep at bigla ring bababa.

"Kasi ambigat ng bag ko nuon tapos may dinadala akong mga libro. Pag-akyat ko, maya-maya, bumaba na nga 'yung dalawang sumiksik sa akin," kuwento ng biktima.

"Mga hustler po ito. Sakit ng ulo ng aming BPSO lalong-lalo na po sa dumarating ditong tawag tungkol sa mga ganyang pangyayari," ayon sa barangay.

Payo pa ng punong barangay, "Mahilig biktimahin ng mga snatcher, holdaper ay mga estudyante natin. Kung meron silang mga mahalagang gamit katulad ng cellphone or yung mga kwintas, maaaring itabi na lang nila."  -- Jamil Santos/FRJ, GMA News