Laking gulat ng mga magulang ng isang 5-anyos na bata sa General Santos City nang biglang may kumatok sa bahay nila dala ang inorder niyang pagkain online.

Sa September 4 post ni Angelito Respecia sa Facebook na naging viral na, sinulat niya ang caption na "When he borrowed your phone and suddenly food panda came knocking at your door."

Habang abala sa gawaing bahay si Angelito at ang kanyang asawang si Michelle ay hiniram ng kanilang anak na si Gab-Gab ang cellphone at nag-order na pala ng pagkain, ayon sa ulat sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes.

Base sa resibo, umorder pala si Gab-Gab ng dalawang buko juice, tatlong teriyaki chicken, dalawang bihon guisado, walong sweet and spicy chicken at isang cappuccino shake.

Ang total bill ay P1,147.90 kasama na ang VAT.

 

When he borrowed your phone and suddenly food panda came knocking at your door ????

Posted by Angelito Respecia on Thursday, September 3, 2020

 

Kuwento ng mag-asawa, nakikita ni Gab-Gab ang kanyang mga magulang na umoorder ng pagkain online gamit ang kanilang cellphone at pinapadeliver ito, kaya't ginaya sila.

Para maiwasan nang maulit ang pangyayari, nag-uninstall na sina Angelito at Michelle ng food delivery apps sa kanilang cellphone. —KG, GMA News