Nasakote ng mga taga-Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang anim na lalaking nagpapanggap na miyembro ng flying squad ng Land Transportation Office (LTO) sa Tarlac. Ang mga suspek, sinita dahil sa kaduda-dudang suot na uniporme at nagiging sanhi ng trapik ang ginagawang panghuhuli.

Sa ulat ni King Guevarra sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, sinabi ng hepe ng Victoria, Tarlac Police Station, na napadaan ang grupo ng mga taga-LTFRB sa La Paz-Victoria Road at naaktuhan nila na nanghuhuli ng mga motorista ang mga pekeng nagpakilalang taga-LTO.

"Nadaanan po nila (LTFRB) itong grupo po na nagpapangagap na 'Flying Squad' ng LTO dito sa kahabaan ng La Paz-Victoria Road na kung saan kahina-hina yung kanilang suot na uniporme at ID, nag-create na ng traffic," ayon kay Police Major Randy Gomez, hepe ng Victoria Police Station kung saan dinala ng mga taga-LTFRB ang mga suspek.

Hinanapan daw ng mga taga-LTFRB ng mga kaukulang dokumento ang mga nagpakilalang taga-LTO tulad ng mission order.

Pero wala raw naipakita ang mga suspek kaya lalong nagduda ang mga taga-LTFRB kaya dinala ang mga lalaki sa himpilan ng pulisya.

Ayon pa kay Gomez, may tatlong driver ng truck ang nagtungo sa kanilang himpilan at itinuro ang grupo ng pekeng taga-LTO na hiningan sila ng pera.

Wala pang tugon ang LTO-Region 3 nang hingan ng komento tungkol sa mga suspek pero kinumpirma raw nito sa pulisya na hindi nila tauhan ang naaresto, na nahaharap sa kaukulang mga kaso. --FRJ, GMA News