Mabagal mang gumalaw, mabilis naman daw kung tumalab ang lason ng isang uri ng susô. Ang kaniyang matutusok na tao, maaaring maospital, maparalisa o mamamatay.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ng mangingisdang si Alcris Gapa ng Jose Abad Santos sa Davao Occidental, kung papaano nalagay sa bingit ng kamatayan ang kaniyang buhay dahil sa tusok ng susô na "cone" snail.

Kumpara sa ibang susô na pabilog, ang mapanganib na "cone" snail ay pahaba, patulis ang dulo, na tila hugis apa.

Nakikita ito sa mababaw na bahagi ng tubig o dagat, at aktibo sa gabi para maghanap ng makakain.

Ayon kay Alcris, may nakapagsabi sa kaniya na maaari daw kainin ang cone snail kaya naghanap siya nito. Hanggang sa matusok siya ng susô sa tagiliran.

Pagkaraan lang ng ilang minuto, sumama na ang kaniyang pakiramdam at nanghina.

"Masakit yung puso ko parang binabalot. Saka yung ulo ko parang pumutok na, sa sobrang sakit. Yung daliri ko nangingitim na po," kuwento niya.

Ayon kay Aprilen na asawa Alcris, itinuro sa kaniya ng kaniyang lolo at tiyahin na puwede raw gamitin gamot sa lason sa cone snail ang mismong laman nito.

Kaya dinikdik niya ang laman ng susô at inilagay sa parte ng katawan ni Alcris kung saan siya natusok. Pero pagkaraan na magawa ito, walang nangyaring pagbabago sa kaniyang mister.

Dito na sila nagpasyang dalhin si Alcris sa ospital at naging kritikal ang kaniyang kalagayan. Binigyan ng anti-venom ang pasyente at tumagal ng tatlong araw ang gamutan hanggang sa gumaling siya.

Gaya ni Alcris, mapalad din ang mangingisda na si Tonton na nakaligtas sa kamandag ng cone snail.

Halos hindi naiiba ang naramdaman ni Alcris sa mga pinagdaanan ni Tonton na mapalad din na nadala sa ospital at nabigyan ng kaukulang lunas.

Pero ang tatlong-taong-gulang na si Francis, pumanaw matapos na matusok ng cone snail at hindi na nadala sa ospital.

Mas marami umano ang mga bata sa nasasawi sa mga natutusok ng cone snail.

Pero sa kabila ng masamang reputasyon ng naturang susô dahil sa dala niyang peligro sa buhay ng tao, lumalabas naman sa aspekto ng medisina na mayroon posibleng malaking pakinabang ang cone snail.

Kung bakit itinuturing medical marvel ang peligrosong susô, alamin ang sagot sa buong ulat na ito ng "KMJS."-- FRJ, GMA News