Itinapon na lang ng isang magsasaka sa Isabela ang nasa 3,000 kilo ng ani niyang mangga matapos na mahinog nang ibiyahe sa Metro Manila at hindi na maibenta.

Sa ulat ni EJ Gomez sa GMA News "Saksi" nitong Lunes, sinabing aabot sa P84,000 ang nalugi sa magsasakang si Frederick Marcos Cayaban, dahil sa itinapong mga mangga sa San Mateo, Isabela.

Ayon kay Cayaban, nakarating pa sa Metro Manila ang mga manggang itinapon na bahagi ng kabuuang 15,000 kilo na mangga na kaniyang delivery.

"Pagdating sa Metro Manila masyadong mahaba po ang pila dahil marami na po ang supply sa planta. Inabutan po siya ng hinog doon kasi nakulog po ma'am. Closed van po kasi ang pinagkargahan namin kaya nahinog na rin," paliwanag niya.

Ang bentahan naman ng mangga sa kanilang lugar, bumagsak na rin hanggang P20 kada kilo noong katapusan ng Abril.

Pagkaraan pa ng ilang araw, naging P17, P12, hanggang sa maging P5 hanggang P7 na lang, ayon kay Cayaban.

May mga mangga rin daw na napakinabangan pa at ipinamigay sa mga kapitbahay

Sinabi ng Department of Agriculture na peak harvest season ngayon ng mangga, pero hindi umano maituturing na "oversupply" kaya itinapon ang mga mangga.

"Not necessarily oversupply, pero ito yung panahon na peak ng harvest. 'Yung nangyari sa San Mateo, Isabela… parang kamatis 'yan, yung kamatis na tinatapon normally, 'yon yung mga panghuling stages na marami na silang harvest. Ganun din 'yung mangga. Everyday, almost nagha-harvest," paliwanag ni DA assistant secretary Arnel de Mesa.

Ayon sa opisyal, may mekanismo naman ang DA para mabawasan ang nasasayang na mga ani ng mga magsasaka.

Kailangan lang na makipag-ugnayan ang mga magsasaka sa lokal na pamahalaan o regional field offices nila, at maging piling kooperatiba at city agriculturist.

Ayon naman kay Cayaban, natulungan naman siya ng DA para sa KADIWA at nakuha ang nasa 800 kilo niya ng mangga na malaking bagay daw sa kaniya.

Pero hiling niya, maging regular daw sana ang naturang programa ng ahensya ang pagbili ng mga produkto ng lokal na magsasaka na kagaya niya.--FRJ, GMA Integrated News