Hinanap at hinuli ng mga pulis ang isang kangaroo na nakatakas sa kaniyang zookeeper sa Toronto, Canada. Nang mahuli, nasapak ng kangaroo ang isang pulis na pumipigil sa kaniya.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, napag-alaman na alaga sa Oshawa Zoo and Fun Farm sa Ontario ang naturang kangaroo.

Ayon sa zookeeper, dinala niya sa field trip ang kangaroo kasama ang iba pang hayop sa farm. Pero nang pabalik na sila sa zoo, tumakas ang kangaroo at nagtatalon palayo.

Hinanap ng mga pulis ang kangaroo hanggang sa makita nila ito na pagala-gala sa mga kabahayan na malapit din lang sa zoo.

Tinawagan pa ng mga pulis ang zookeeper para magpaturo kung paano ang tamang paghuli sa kangaroo.

Ayon sa isang opisyal, hinawakan na lang ng mga pulis sa buntot at leeg ang kangaroo.

Pero nagpumiglas ang kangaroo hanggang sa nasapak niya ang isang pulis na pumipigil sa kaniya.

Maayos naman daw ang lagay ng nasapak na pulis kaya hindi na raw itutuloy ng mga awtoridad ang imbestigasyon.

Ang kangaroo, balik na sa zookeeper at bibigyan ng kaukulang medical treatment.-- FRJ, GMA Integrated News