Sa loob ng tiyan ng isang dambuhalang sawa natagpuan ang bangkay ng isang babae na unang iniulat ng kaniyang mister na nawawala sa Kalempang, Indonesia.

Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing dumaan sa gubat ang 54-anyos na babae para pumunta sa kanilang palengke upang magtinda ng pagkain.

Pero hindi na nakauwi pa ang babae kaya nagpatulong na ang kaniyang mister sa kanilang mga kapitbahay para hanapin ang kaniyang asawa.

Sa kanilang paghahanap, nakakita sila ng isang dambuhalang sawa sa masukal na gubat na tinatayang aabot sa 20 talampakan ang haba.

Dahil malaki ang tiyan ng sawa, kinutuban sila na baka ang nawawalang babae ang laman nito.

Kaya naman hinuli nila ang sawa at pinatay. At nang buksan nila ang tiyan nito, tumambad ang bangkay ng babae.

Hindi maiwasan ng mister na sisihin ang sarili sa sinapit ng kaniyang asawa dahil hinayaan niyang umalis ito na mag-isa.

Iniuwi ang mga labi ng babae sa kanilang bahay at pagkatapos ay binigyan ng religious burial.

Ayon sa pinuno ng barangay, unang pagkakataon sa kanilang lugar na may tao na kinain ng sawa.

Pero noong 2022, naitala ang dokumentadong kaso ng pagkain ng isang sawa sa tao na nangyari sa isang rubber plantation sa Jambi province sa Indonesia rin. -- FRJ, GMA Integrated News