ADVERTISEMENT
Filtered By: Cbb
Community Bulletin Board

Nominasyon para sa mga huwarang kabataan sa Laguna, nagsimula na


MAGDALENA, Laguna — Nagsimula nang tumanggap ng nominasyon para sa iba’t ibang kategorya ang 2015 Gawad Felicisimo T. San Luis para sa Namumukod-Tanging Kabataan ng Laguna. Ang huling araw para sa pagpapasa ng mga nominasyon ay sa Miyerkules, Abril 15.

Mahigit dalawang dekada nang kumikilala ng mga namumukod-tanging kabataan ng Laguna na may malaking pagpapahalaga sa lahing Lagunense at sa kaisipan ng dakilang Anak ng Laguna na si Gob. Felicisimo T. San Luis ang patimpalak na ito.
 
Nahahati ang parangal sa apat na kategorya–Kabataan mula sa Mataas na Paaralan (high school); Kabataan mula sa Kolehiyo (college); Kabataang wala sa Paaralan (out-of-school youth); at
Kabataang Propesyunal (young professional).
 
Ang mga kalahok ay sasailalim sa anim na buwang proseso, kung saan sila ay bibigyan ng pagkakataong siyasatin, kilalanin at paunlarin ang sarili. Sila rin ay magkakaroon ng pagkakataong makapanayam ang Lupon ng Inampalan na magmumula sa mga piling organisasyon at pawang mga maipagmamalaking mamamayan ng bansa.
 
Pararangalan mula sa mga opisyal na nominado ang sampung namumukod-tanging kabataan at mula sa kanila ay hihirangin ang mapipiling ‘pinakanamumukod-tangi’ sa bawat kategorya na tatanggap ng Php 10,000, tropeyo at sertipiko ng pagkilala. Nakatakda ang araw ng parangal sa ika-19 ng Disyembre 2015, Sabado, sa Sentrong Pangkultura ng Laguna, Sta. Cruz. 
 
Ang mga nominado ay kinakailangang i-nomina ng isang indibidwal, samahan, paaralan o tanggapan sa bansa, pribado o pampubliko. Sila ay dapat na 15 hanggang 30 taong gulang, residente ng lalawigan nang hindi bababa sa tatlong taon, at kumpletong napunan ang nomination form na isusumite sa 2015 Gawad Felicisimo T. San Luis Search Committee.
 
Ang pormularyo ng nominasyon ay kinakailangang ipasa kalakip ng datos at tala (profile) tungkol sa kalahok sa mga sumusunod: P. O. Box 34503, UP Los Baños College, Laguna 4031; email sa gawadlaguna@gmail.com; o sa sinumang kasapi ng GLI.
 
Pinangangasiwaan ang naturang patimpalak ng Gawad Laguna Inc (GLI). Para sa mga karagdagang impormasyon, mangyaring makipag-ugnayan kina: G. Melvin Ubaldo (+639272452445), Tagapangulo – Gawad FTSL 2015; at Bb. Samantha Javier (+639272549935), Pangulo – Gawad Laguna Inc. Maaari ring bisitahin ang www.facebook.com/GawadLaguna.  — Gawad San Luis press release