Filtered By: Hashtag
Hashtag

Dating PDL, vendor na ngayon ng patok na hotdog sandwich sa Divisoria


Nakilala man noon sa masama niyang gawain, patunay ang isang dating person deprived of liberty (PDL) na posible ang pagbabago nang pumatok ang itinitinda niyang mga hotdog sandwich na mura at siksik sa sangkap sa Divisoria.

Sa Good News, makikita ang trending sa Tiktok na hotdog overload sandwich ni Augosto Virgo na jumbo na sa laki, may kasama pang lettuce, pipino, ketchup, mayonnaise, at sandamakmak na keso sa halagang P35 lamang.

Ngunit bago nito, nakilala muna si Virgo sa Divisoria dahil sa masama niya noong gawain.

"Pagdating ko ng 12 anyos, doon ako pumasok sa mga sindikato. Sari-saring kasalanan ang natutunan ko roon," sabi ni Virgo.

Tubong Batangas, siyam na taong gulang nang mapadpad si Virgo sa Maynila. Hindi niya raw nagustuhan ang trato sa kaniya ng kaniyang amain, na lagi siyang sinasaktan at pinag-iinitan kaya naisip niyang maglayas.

"Pagdating ko po ng Maynila, nu'ng time na 'yun, talagang walang wala po ako eh," sabi ni Virgo, na pinasok ang pagnanakaw para mabuhay.

"Basta ang akin, kumita ako ng pera para makakain ako. Hindi ko iniisip 'yung mapapahamak ba ako. Ginagamit nila akong props pagdating sa bus, nag-eestribo na pala sila. Ako naman wala akong alam, nangho-holdup na pala kami. Pagdating ko ng 13-anyos, nagsolo na ako," kuwento ni Virgo.

Edad 14 nang mahuli si Virgo ng mga awtoridad sa Tondo sa salang pagpatay, ayon sa kaniya.

Sampung taong nabilanggo sa Bilibid si Virgo. Sa pananatili niya roon, nagtrabaho siya sa loob para kumita at makaipon ng P83,000 mula sa gawaan ng bayong.

"Paglaya ko inisip ko agad, 'Mahirap sa loob, hindi na ako babalik'," sabi ni Virgo.

Sa kaniyang paglaya, ginugol niya ang kaniyang pera sa negosyo. Una niyang sinubukan ang negosyong screen protector, hanggang sa makilala niya ang isang nagtitinda ng hotdog.

Itininda ni Virgo ang apat na klase ng hotdog sandwich na jumbo, king size, at cheesedog.

"Nagtataka sila kung bakit mura. Hindi ko po iniisip na kumita ako nang malaki. Sa isang hotdog, siguro meron lang akong P5, masaya na ako roon," anang viral na tindero.

"Kung hindi mo mamahalin ang buyer mo, hindi sila babalik eh. Sa kanila lang kami nabubuhay kung tutuusin. Kung wala sila wala kaming pang-araw-araw," dagdag ni Virgo.

Ang mga pulis na dating nanghuli sa kaniya, mga suki niya na rin ngayon.

Sa loob ng isang araw, nakapagbebenta si Virgo ng 30 balot ng tinapay, o 200 piraso ng hotdog, na malaking bagay na sa pang-araw-araw na gastusin ng kaniyang pamilya.

"Lagi po nilang i-try ang pagbabago, dahil hindi naman nila makukuha sa iba 'yon eh, sa sarili po nila 'yun eh," sabi ng dating PDL.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News