Makakapagbakasyon na rin ang mga sawi sa pag-ibig dahil ang isang hotel sa Cebu, ginawang benepisyo ang breakup leave para sa kanilang mga empleyado.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes, sinabing may limang araw na breakup leave ang hotel para sa mga kawaning may dinaramdam na heartbreak.

Bukod dito, may kasama pang beauty makeover ang benefit para masigla na ulit ang empleyado sa kaniyang pagbalik sa trabaho.

Sinabi ng management ng hotel na nakaaapekto ang breakup sa mental health ng isang tao kaya maaapektuhan din ang kanilang performance.

May paraan naman ang hotel para malaman kung totoo ang breakup ng isang empleyado para hindi maabuso ang breakup leave.

May parusang suspension without pay kapag napatunayang nagsisinungaling ang empleyado.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News