Inihayag ni Miguel Tanfelix na isa sa kaniyang insecurity ang hindi nakapag-aral dahil maaga siyang pumasok sa showbiz. May pagkakataon na nakaramdam umano siya ng self pity nang nag-uusap ang mga katrabaho niyang artista tungkol sa ginagawa nila sa eskuwelahan.

“Naaalala ko lang ‘yung conversation namin sa Voltes V: Legacy. Lahat sila nag-uusap ng mga ginawa nila noong high school, noong college. Tapos ako, wala akong masyadong maiambag, so medyo nagse-self pity ako sa isang tabi,” kuwento ni Miguel sa “Fast Talk with Boy Abunda.”

“Kasi ako gustong-gusto kong mag-aral eh. Pero dahil wala ngang time, na-insecure po ako noon na, ano kaya ang pakiramdam na estudyante ka, lumilipat-lipat ka ng room, ng building, magmamakaawa ka sa prof mo para ipasa ka. Isa po ‘yon sa insecurities ko,” dagdag ni Miguel na limang-taong-gulang lang nang magsimula sa showbiz.

Tinanong din ni Tito Boy kung nagkaroon ng pagkakataon na napagod na si Miguel sa pag-arte.

“Actually Tito Boy lately ko lang din naseryoso ang pag-acting. So feeling ko nag-start pa lang po ako,” anang Voltes V: Legacy actor, na gumaganap bilang si Steve Armstrong.

Sa edad ngayon na 24, maituturing isa nang seasoned actor si Miguel. Aniya, sanay na rin siya kung paano siya tinitingnan ng mga tao.

“Hindi niyo po kasi maitatago ‘yun eh kapag nasa public eye po kayo, meron at meron silang mako-comment, meron at meron silang sisitahin sa ‘yo. In a way medyo nasanay na rin ako sa kung paano ako tingnan ng mga tao,” paliwanag niya.

Pero hindi pa rin daw nalilimutan ni Miguel na makisalamuha sa mga tao.

“Kailangan po ng pag-aaral, hindi lang script para sa akin. Kailangan mong maging makatao. Kasi para maintindihan mo ang pinagdadaanan ng character mo, kailangan mong maintindihan kung ano talaga ang pakiramdam no’n sa totoong buhay. Hindi ko dinidistansya ang sarili ko sa mga normal na tao,” paliwanag niya.

“Sa totoo nga lang mas close pa nga ako, kunwari sa mga waiter sa restaurant, mas kinakausap ko po sila dahil mas natututo po ako roon eh,” dagdag ni Miguel.

Sa “Fast Talk” segment,” inilahad din ni Miguel ang insecurity niya sa kakapusan ng tangkad.

“Guwapo sana ako kaso kinapos ako sa height eh,” natatawang sabi ni Miguel, na 5’7 ang taas.

“Five (feet) seven, may konting dagdag na po ata ‘yon,” patuloy niya. --FRJ, GMA Integrated News