ADVERTISEMENT
Filtered By: Lifestyle
Lifestyle

Pambansang wika at mga batang makata sa Sebuwano


ANO naman ang koneksiyon ng dalawang ito? Ganito kasi iyon. Limang taon na akong panelist sa Iyas Creative Writing Workshop kada Abril sa University of St. La Salle-Bacolod. Isang national workshop ito para sa mga batang manunulat ng bansa, at kapansin-pansin na maraming fellows na nagsusulat sa Sebuwano ang mga magagaling. Hindi lamang kasi Ingles at Filipinong akda ang tinatanggap sa Iyas kundi mga manuskrito sa Kinaray-a, Hiligaynon, at Sebuwano din.

Si Romeo Bonsocan ay may nailathala nang maikling kuwento habang nasa haiskul pa lang
Noong nakaraang Abril 25-30 sa 11th Iyas, kapansin-pansin ang galing ng dalawang binatang manunulat mula sa Cebu—sina Joannes Arong at Romeo Nicolas Bonsocan. Mga estudyante pa lamang sila sa kolehiyo at sa kanilang mga sinusulat, kapansin-pansin ang pagmamahal ng dalawa sa kanilang kinagisnang wika. Si Romeo, haiskul pa lamang ay nakakapaglathala na ng mga maikling kuwento sa magasing Bisaya, sister magazine ng Tagalog na Liwayway. Sa kuwento niyang “Sa Akong Pagpauli" (Sa Aking Pag-uwi) na isang trahedya, kitang-kita ang kaniyang galing sa paghawak ng wika, tulad na lamang sa napakalirikal niyang paghuling talata sa kabila ng galit at lungkot ng karakter ng kuwento:
Ug nabuak ang akong kasingkasing…pino ang mga tipaka niini nga nangakatag sa yuta. Mipitik-pitik ang akong kasingkasing sa kumpas nga daw gigukod ko sa usa ka aliwas. Nakapiyong ako. Ug nakit-an ko ang iyang dagway sa kangitngit. (At nabasag ang aking puso…pino ang mga bubog nito na nagkalat sa lupa. Pumipintig-pintig ang aking puso sa kumpas na parang hinahabol ako ng halimaw. Napapikit ako. At nakita ko ang kaniyang larawan sa kadiliman.)
Sa koleksiyon naman ng mga tulang isinumite ni Joannes, 20 taong gulang at estudyante ng A.B. Literature sa Cebu Normal University, makikita rin ang kaniyang galing sa paggamit ng kontemporaring Sebuwano at ang lawak ng kaniyang interes sa nakikita niya sa paligid. Sabi nga ng kasamahan kong panelist na taga-Lungsod Iligan, ang makata at nobelista sa Ingles na si Christine Godinez-Ortega, “This poet has a talent. The collection is very lyrical. The tone is quiet." Ang mga tinutukoy na tula ni Christine ay ang “Dihang Mi-brownout Usa ka Gabi-i" (Nang Mag-brownout Isang Gabi) at “Ang Balak nga Natagak Gikan sa Langit" (Ang Tula na Nahulog Mula sa Langit).
Si Joannes Arong ay sumulat ng tula tungkol sa tula
Ang pinakagusto kong tula ni Joannes ay ang metapoem, o isang tula tungkol sa tula, na “Ang Balak nga Gipatik sa Poster sa POEA" (Ang Tula na Nasulat Dahil sa Poster sa POEA). Ang persona ay naglalakad sa harap ng University of San Carlos. Pagala-gala lamang siya. Bigla niyang napansin ang isang poster sa isang tindahan doon na ang nakalagay ay: “Who: Poets / What: Urgent hiring / Where: USA." Pagkatapos may nakalagay pa sa ilalim na: “Good pay, wide readership. / Must poeticize in their own tongue." Nakakaloka! Unang reaksiyon ko nang mabasa ito: “In your dreams!" Hindi lamang nagpapatawa ang tula. Isa itong komentaryo laban sa Amerikanisasyon ng ating literatura at sa kabuuan ng ating kultura. At siyempre nagtambling ako sa huling talata: “Naghuna-huna kog review sa akong / Sinibuwanong Binisaya, / Samtang gasima-sima og burger." (Iniisip kong mag-review ng aking / Sinibuwanong Binisaya / Habang nilalantakan ko ang hamburger.) Sa tula, naniwala ang persona sa nabasa niya sa poster. Oo nga naman. Malay mo, magpa-publish na ang The New Yorker at Harper’s ng mga tulang Sebuwano! Sa unang pagkakataon, naimbitahan din akong panelist sa Iligan National Writers Workshop noong Mayo 23-27 kung saan may mga fellow din sa mga wikang Bisayas. Muli, isang batang makata ang nakita ko roon—si Glenn Tek-ing Muñez na estudyante ng literature sa Cebu Normal University. Narito ang isang tula ni Glenn na pinamagatang “pagkatagak" na sa tuwa ko ay na-translate ko on-the-spot habang nagse-session, at naging “pagkahulog." Hindi talaga capitalized ang unang letra ng pamagat. Isa itong malungkot na tula ng pamamaalam sa pagitan ng dalawang taong nagmamahalan.
Naniid lang ko nimo dinhi sa suok samtang gaugom sa giuhaw nakong mga pangutana. Ang akong kahilom ug ang kahilom sa nangapulpog nga bolitas sa imong mata nga nangitag kapahulayan daw nagsinabtanay kon unsaon paglingkawas. Unya, ang ngilo nga agi sa zipper sa imong maleta nidagit sa atong mga kahilom. (Pinagmamasdan kita mula rito sa sulok habang kinikimkim ang mga uhaw kong katanungan. Ang aking pananahimik at ang katahimikan ng nadurog na mga bolitas sa iyong mga mata na naghahanap ng himlayan na napagkasunduan nating takasan. Dinagit ang ating pananahimik ng nakangingilong tunog ng pagsara ng siper ng iyong maleta. lumigwak ang kawalan sa ating pagitan.)
Si Glenn Muñez ay nag-aaral ng literature sa Cebu Normal University
Sina Joannes, Romeo, at Glenn ay mga nakatutuwang dagdag sa listahan ng mga bata at magaling na manunulat sa Sebuwano na naging kaibigan ko sa mga dinaluhan kong kumperensiya at workshop tulad nina Januar Yap at Josua Cabrera. Ang salitang Sebuwano para sa tula ay “balak" na may katulad na salitang Tagalog na ang ibig sabihin ay plano o nais gawin. Kung titingnan natin ito sa kontexto ng pagbuo at paglinang sa pambansang wika, ang pagkakaroon ng maraming mga batang manunulat sa Sebuwano, babae man o lalaki, pangit man o maganda/guwapo, ay isang magandang pangitain para sa wikang Filipino. Kapag sinabi nating tayo ay magbalak para sa ating pambansang wika, dalawa ang magiging kahulugan: una, sumulat ng tula para sa wika; at pangalawa, planuhin ang wika. Pareho itong nangangahulugan ng kabutihan para sa wikang Filipino na magbubuklod sa ating mga Filipino. Ang Filipino kasi ay hindi magiging isang tunay na pambansang wika kung ang mga bata at guwapong manunulat sa Sebuwano ay hindi magsusulat ng tula sa Sebuwano, isa sa mga pinakamaganda nating katutubong wika. Kailangang linangin ang pagsusulat sa mga katutubong wika upang makapagkontribyut ang mga ito sa pagpapayaman ng Filipino bilang tunay na pambansang wika. - YA, GMA News Si J.I.E. TEODORO ay isang premyadong manunulat mula sa San Jose de Buenavista, Antique at ngayon ay nakatira sa Lungsod Pasig. Assistant professor siya ng Filipino at literatura sa Miriam College sa Lungsod Quezon at estudyante ng Ph.D. in Literature sa De La Salle University-Manila. Lahat ng larawan ay kuha ng may-akda.