A (sort of) film review
Instead of your usual academic, film-jargon laden, humdrum film review, I will opt to zero-in on non-highlighted minute fractions of the film, aspects that may have been left by your usual mainstream reviewers. Equally different is the language that I will use that will never get an A+ from a professor that requires his students to watch and do a plastered (ctrl+a) + (ctrl+c) + (ctrl+v) “review” of this worthwhile film.
Apart from the usual oft-lensed factors: cinematography, acting, musical scoring, designing, script, story, directing, I will delve into, I think, a physical issue of the film that needs to be raised to answer questions about, uhm, fallacies and follicles.
At, napansin n’yo bang umi-Ingles ako? Astig di ba? Parang totoong reviewer. Fallacies and follicles? Oft-lensed factors? Minute fractions of the film? Ang bigat, di ba? Hindi, Beh, hindi. Kaya nga ang mga pamagat at paksa ng artikulo kong ito ay
ANG PAPEL NG BIGOTE AT IBA PANG BANTAD NA BALAHIBO SA KASAYSAYAN SA PAGLALARAWAN NG PELIKULA
O
HENERAL LUNA: ISANG BIGOTE REVIEW
Hayan. Wala nang mas aastig pa, wala nang mas aangas pa, na talakayin ko sa inyo ang bigote ng bayani (at iba pang bantad na balahibo nila) sa kasaysayan partikular ang napanood kong pelikula noong Sabado sa isang mall sa Lucena na binayaran namin ng ka-date ko ng tatlong daang piso.
Sino ang hindi nakakakila sa bigote ni Juan o Antonio Luna batay sa larawang puwersahang ipinakita sa atin ng ating mga guro noong elementarya? Na sa kabila ng lahat ng ito, bakit wala pa tayong nakikitang bigoteng a la Antonio Luna sa ating buhay, sa ating totoong buhay sa kasalukuyan na puno ng pighati?
Oo, nakakita na tayo ng flat-tops ni Aguinaldo, ng balahibong-pusang bigote ni Rizal, o ang KSPng usbong ng kakaibang tubo ng bigote ng isang personalidad na sigurado akong hindi ninyo tinalakay sa high school, si Heneral Tomas Mascardo, pero wala ang angas naghuhumindig na bigote tulad ng kay Antonio Luna.
Balbas at bigote ang unang nagpapakilala sa akin sa kung sino si Juan kay Antonio, si Marcelo kay Antonio, si Jose kay Antonio. Huwag na nating isama dito ang mga jologs na hindi nagpatubo ng facial hairs—public hairs!—para mabigyan ng katuturan kung sino na sila sa kasaysayan matapos ang lahat ng giyera at magsimula ang lesson o quiz ng titser nating masungit.
Bakit muna kasi bigote? Una. Ito kasi ang pinakamalaki kong pagsisisi sa aking pagkatao, sa bahagi ng aking katawan na kaya kong manipulahin (wala na akong magagawa sa bisaklat kong ilong, sa abnormalidad ng meatless cheek-void, also known as dimples ko).
Noong second year high school kasi ako sa Obando, pinigilan kong magkabigote dahil sa takot na baka hindi ako magustuhan ng crush kong may initials na CSD, hi hi hi. Kaya ang ginawa ko sa kasusulpot pa lamang na balahibong pusa sa baba at nguso, binunot ko sa tulong ng nonagonal na dalawang pisong may niyog na imprint (Cocos nucifera ang scientific name). Hayun, nahiya na ang mga bigote. Hindi na muli tinubuan ang kapirasong taniman ko ng bigote sa nguso maliban sa lugar na hindi ko binunutan noon, mukha tuloy sakahan na nasalot ng golden kuhol. Bad trip. Hindi ako nagustuhan ni CSD may bigote man ako o wala. Mas bad trip.
Mula noon, insecurity ko na ang bigote. May love-hate relationship ako sa bigote ko. Kaya kapag tutubo ang bastardong bigote sa nguso ko ngayon, inaahit ko kaagad dahil ang sagwa ng hitsura, patse-patse.
Ikalawa, nakaengkuwentro ko ang isang mapagkakatiwalaang source sa Internet na may pamagat na “What does your moustache say about you?” (i-Google nyo na lang), simply put, the article states you are, what your bigote looks. Na ilalapat ko ngayon sa ating bigote-review na ito.
Mahusay ang pagkakaganap ng bigote sa movie poster. Nakakapit ang bigote sa main character na ginampanan ni John Arcilla na unang sumikat sa patalastas ng inasnan at kulot na karneng maninipis (bacon, Beh) sa telebisyon ilang dekada na ang lumipas. Sumikat siya sa paulit-ulit na pagsambit ng “Coffee na lang, Dear.” Hanggang hainan siya ng bacon ng asawa at maligayang nagwika: “Coffee at bacon na lang, Dear.”
Sa mga ignorante sa bigote, handlebar mustache ang tawag sa public hair sa nguso ni Heneral Luna. Prominenteng nakatanghal ito sa poster na kahit pa duguan at mabalasik na ang hitsura ng ating heneral, swabeng-swabe pa rin ang bigote. Hindi malabunot, hindi kagubatang nilanos ng pagkakaingin at logging concession ng isang senador ang tubo.
Handlebar kasi mukhang manibela ng bisikleta (unless bilog o triangular ang manibela ng bisikleta mo). At sinasabi ng aking mapagkakatiwalaang Internet source na ang nagtataglay nito ay may “great sense of balance and who is willing to go that step further (for style)” at “more mature man and established in life.”
Malinaw. Dahil totoo, sa pelikula, balanseng-balanseng ginampanan ng bida ang pagiging magaling na military tactician na nandadaklot ng bayag ng isang inutil na opisyal, aburido at mainitin ang ulo, malambing sa chicks, at mapagmahal na anak. Pwede naman kasing piliin ni Antonio Luna ang manatili na lang Europa at makipagtagisan ng bigote sa Bulakenyong si Marcelo (na ang bigote ay tinatawag na The Dali, mula sa estilo ng bantog na pintor na si Salvador Dali, again, paki-Google), na ang may taglay nitong The Dali ay “obsessed with fine detail, yet confident and convincing with his approach.” Kaya nga editor at manunulat si Marcelo, at hindi sundalong atapang atao aputol apaa hindi atakbo, aputol _____, atakbo atulin.
At speaking of atakbo atulin, iyan ang pangunahing ginampanan ng dalawa pang may duwag at taksil na bigote sa pelikula: si Pedro Paterno, na ginampanan ni Leo Martinez, at si Felipe Buencamino na ginampanan naman ni Nonie Buencamino. Mga hayup ang mga bigoteng ito. Mas pipiliin nila ang negosyo at personal na interes kaysa kalayaan ng bansa. Karaniwang makikita ang mga bigoteng ito, hindi sa war room tulad ng bigote ni Antonio, kundi sa boardroom, sa Batasan, o sa cabinet meeting ni El Presidenteng naka-flat tops, na parang nakadehadong sabong sa ingay at gulo.
Isa pa, nahirapan akong ihiwalay ang character ni Martinez bilang Paterno sa kaniyang long-time character bilang Congressman Manik-Manaog. Pareho lang kasi ang kaniyang bigote sa dalawang pagkakataon. Evil bigote in an equally evil and cunning na tauhan.
Mahilig sa kompromiso ang mga bigote nina Paterno at Buencamino. Kaya madalas silang patikimin ng insulto ng well-balanced na bigote at pagkatao ng Heneral. Kung hindi nga lang dahil sa kaniyang pagiging bugnutin at mainitin ang ulo at, minsan may pagkadalos-dalos, tulad ng ginawa niyang pagsugod sa pangit at nakakatawang bigote ng kaniyang kapwa heneral na si Mascardo sa Pampanga, hindi sana nakubkob ng mga imperyalistang Kano ang Bagbag.
(Note sa pangit na bigote ni Mascardo, na magaling dahil nakaiinis na ginampanan ni Lorenz Martinez, ganoon yata ang pagpapatubo ng handlebar, pinapahaba ang gilid at patuloy na inaahitang malapit sa philtrum. Ano ang philtrum? Iyan ‘yung vertical na kanal sa pagitan ng butas ng ilong n’yo at upperlip. Kapag may sapat nang haba ang gilid saka pa lang palalaguin ang tumutubo sa paligid ng philtrum. Kaso mo, hindi pa handlebar ang kay Mascardo, silly mustache pa lang, ha ha, kaya hayun, isang buktot na heneral sa kasaysayan, at pelikula.)
Pero hindi uubrang pagtuunan ng pansin lamang ang mga bigotilyong Noypi sa pelikula. Ang kabuktutan ay wala lamang sa mga buktot na bigote ng mga Buencamino, Paterno, at Mascardo. O sa flat tops ni Aguinaldo na malamig, positibong lamig, na ginampanan ng kinabubuwisitan kong si Mon Confiado dahil sumikat bilang real life ex-jowa ng crush na crush ko dating si Juliana Palermo.
Ang higit na tatambad sa atin ay kung paano minanipula ang mga bigoteng ito ng karumal-dumal na mutton chops at the trucker na bigote ng mga Kano. Oo, sila. Malinaw na itinanghal sa pelikula ang gasgas nang formula ng divide and conquer sa pakikidigma ng mga mutton chopped generals ng mga Kano na si Arthur MacArthur at Wesley Merritt. Mga hayup na balahibo ‘yan na sinimulan ng esponghadong bigote ng isang Heneral George Dewey. Pwe.
Sila, kasama ng kanilang mga bigote at balbas at patilya ang lumalabas na spectator ng tanghalan/digmaan/pagtataksil na malinaw na ipinakita sa bandang huli ng pelikula, kung kailan ang dalawang opisyal na kano ay naka-frame na para bang “big brothers” sa lahat ng nangyari. Napaka-evil.
Pero hindi komo evil, at dahil sa inaasahang trahedya ay hindi maganda ang pelikula (wala nang spoiler alert, nategi si Luna. Nakapanghihilakbot na wakas, tsk. Reaksyon nga ng maingay na nanood sa harap namin ng ka-date ko, “bakit hindi mamatay-matay?” Gusto ko sanang kutusan, at bulyawan, at sabihin, "bolitas ang bala, anuve?!" Nakalimutan kong wala nga pala akong evil-bigote nang manood). Maganda ‘no. Magaling ang pagganap ng mga bigote, nakakabit man sa bida man o sa maraming kontrabida.
Ang napuna lamang ng ka-date ko na inilibre ko sa sine ay tungkol sa consistency ng bigote mula sa poster, sa simula ng pelikula, hanggang sa wakas kung kailan pinalamon ng bolitas at tingga at taga ang mortalidad ni Luna. Napansin niya paglabas namin na nag-iba na ang bigote ni Luna, mula sa nag-uumigting na tulis hanggang sa huling nalugmok na at basa na siya ng dugo.
May nais bang ipahiwatig ang bigoteng ito? Meron. Sinasalamin ng nagbabagong hugis ng bigote ni Luna sa pelikula ang nagbago niyang pakikitungo, mula sa pagtitiwala hanggang sa paniniwalang patibong lamang ang lahat. Ngunit wala na siyang magagawa. Wala na siyang kapangyarihan para baguhin ang kasaysayan. Dahil iyon ang walang pasubaling kagustuhan ng kaniyang handlebars at flat tops ni Aguinaldo at mutton chops cum evil-mustache ng mga Kano. Nakakakilabot.
Pero hindi komo kinilabutan ako ay wala na ang lugod. Naroon ang lugod at, itanong n'yo pa sa ka-date ko, pagnanais na ulitin ang pelikula. Na bihira nating makagisnan sa bahaging ito ng mall na laging inuulan ng mga pelikulang tungkol sa ilusyon ng tutang pag-ibig. Tungkol sa kabit, at nangangabit na minsa’y walang saplot. At wala ring bigote.
Huwag palampasin ang pelikulang ito. Unahin munang manood bago mag-ahit.
Bukod sa pagtuturo ng Panitikan, Malikhaing Pagsulat, at Kulturang Popular sa Unibersidad ng Santo Tomas, Writing Fellow din si JOSELITO D. DELOS REYES sa UST Center for Creative Writing and Literary Studies. Pawang nominado para sa National Book Awards ang kaniyang aklat na iSTATUS NATION (Visprint, Inc.) para sa kategoryang Essay, at ang PAUBAYA (UST Publishing House) para naman sa kategoryang Tula. Kasapi siya ng LIRA, Museo Valenzuela Foundation, at Lucban Historical Society. Kasalukuyan niyang tinatapos ang kaniyang disertasyon para makamit ang Ph.D. Philippine Studies mula sa De La Salle University. Siya ang 2013 Makata ng Taon ng Komisyon sa Wikang Filipino at recipient ng 2013 NCCA Writers’ Prize para sa maikling kuwento.