FIRSTS: Unang pag-ibig
Noong una ko pa lang siyang makita, nagkaroon na ako ng katiting na pagkagusto sa kanya. Chinito kasi. Type ko. Pero sa parehong segundo rin na iyon nang makita ko siya, sinarado ko ang puso ko at sinabi sa sarili “Naku, may gusto na naman ako. Sigurado namang hindi siya magkakagusto sa akin.”
Nadala na kasi ako. Dati kasi ako ang humahabol sa lalaki. Sabi ko, kung kaya ng mga lalaking manligaw, dapat kaya rin ng babae. Hanggang sa lahat ng gusto ko, hindi naman nagkakagusto sa ‘kin. Minsan naman akala ko gusto rin ako pero hindi pala. Ang sakit. Feeling ko tuloy, ang panget ko at wala akong pag-asang sumaya.
Buti na lang binatukan ako ni Lord. Ginising Niya ako sa katotohanan na Siya ang dapat kong pagtuunan ng pansin at hinding-hindi ako mabibigo. Na-realize ko na Siya lang ay sapat na. Nang makilala ko si chinito, maingat na tuloy ako. Hindi na ako padalus-dalos.
Nagpatuloy ang mga araw at malimit ko na siyang makita dahil kabanda siya ng best friend ko. Nagkakausap at nagkakabiruan na rin kami gaya ng iba pa naming mga kaibigan sa banda nila. Nagkaka-text na rin at nagkaka-chat sa Internet. Ang sarap niyang kausap at hindi tulad ng mga nakilala ko dati, napakakomportable ko sa kanya. Para bang matagal ko na siyang kilala.
Kahit na minsan kinikilig ako sa mga usapan namin at sa mga kilos niya, hindi pa rin ako nagpakita ng motibo. Minsan pa nga sinusungitan ko siya kapag may topak ako. At siyempre, sinabayan ko rin ng dasal at humingi ako ng gabay kay Lord.
October 18, 2013 noong niyaya niya akong lumabas. Sa isip ko, friendly date lang naman kaya pumayag ako. First date ko ‘yun pagkatapos ng mahabang panahon na hindi ako nakikipag-date. Nag-half day pa talaga siya sa work niya para lang matuloy yung “date” namin kasi naurong na yung petsa. Nanuod kami ng sine, kumain ng Japanese food, nagkwentuhan, nagtawanan, kumain ng ice cream, at naglakad-lakad.
Nang wala na kaming magawa, bigla siyang nagsalita na parang nagpapakilala ulit. Kinuwento niya pati yung lovelife niya na medyo fail din daw kasi yung niligawan niya ng matagal dati, hindi naman siya sinagot. Simula noon, sinarado na rin niya ang puso niya. Pero may dumating daw na kung sino.
At nang nilalarawan niya yung tao na iyon, kinabahan ako bigla! Ako ba ‘tong tinutukoy niya? Ako ba? Hala! First time kong kinabahaan ulit ng ganoon. Parang lalabas na 'yung puso ko sa dibdib ko. Nang tumigil kami sa paglalakad at umabot na sa ilalalim ng isang kisame na may mga ilaw na nag-iiba-iba ang kulay, sinabi niya sa mukha ko na ako nga raw iyon. At first time kong narinig ang mga salitang, “Kring, gusto kita.”
Yung blue lights sa kisame, naging green. Favorite colors ko lang naman. Wow!
First time na may matapang na lalaki na sinabi niya nang malinaw sa harap ko na gusto niya ako. Walang pag-aassume, walang akala-akala. Totoo kong narinig at totoo niyang sinabi. May ibig sabihin pala lahat ng kabaitan na pinapakita niya sa akin, kahit sinusungitan ko na siya. May ibig sabihin pala kaya napakakomportable ko sa kanya. May ibig sabihin pala kaya niya ako inayang lumabas. First time na lahat nagkaroon ng ibig sabihin. At ang ibig sabihin ay gusto niya ako. First time na may nagtapat sa akin nang ganoon. First time na may matapang na lalaking gaya niya sa buhay ko.
First time na niligawan ako ng 8 months. First time na may nagsabi sa akin ng “I love you” sa isang napakaordinaryong pagkakataon. First time noong June 18, 2014 na may sinagot ako kasi yung katiting na pagkagusto ko ay naging pag-ibig na talaga. First time kong nagkaroon ng monthsary noong July 18. First time na may nagsasabing maganda ako kahit pakiramdam ko, hindi. First time naming nag-Valentine’s date noong February 14, 2015 bilang magkasintahan. Ang daming kong naranasan sa unang pagkakataon dahil bahagi na siya ng buhay ko.
Hindi rin naman maiiwasan ang mga unang away, unang tampuhan, at unang iyakan. Pero dahil nananaig ang pag-ibig namin sa isa’t isa, nagagawa naming magpatawaran at magmahalan ulit. Normal naman iyon sa relasyon. Ang mahalaga, natututo at mas nagiging mabuting tao.
Tama nga ang sinabi sa Bible na unahin mo si Lord at ibibigay Niya lahat ng biyaya. Nang inuna ko Siya at hinayaan ko Siyang punuin ako ng pag-ibig, naging handa ako na patuluyin ang aking unang kasintahan, isang kasintahan na mapagmahal, mapagbigay, mapagpakumbaba, at higit sa lahat, ginagalang ako bilang babae. Ang sex, mangyayari lang kapag mag-asawa na kami. Yan ang first rule namin! Salamat kay Lord!
Si Krizelle R. Talladen, 25 taong gulang, ay isang editorial assistant, manunulat, at blogger. Nakatira siya sa napakagandang lungsod ng Marikina at naglilingkod bilang miyembro ng Parish Youth Ministry ng Diocesan Shrine and Parish of Our Lady of the Abandoned. Maliban sa pagsusulat, mahilig din siyang magbasa ng mga inspirational books, sa kulay green, at sa mga pagong. Maaaring bisitahin ang kanyang English blog sa KrizTalladen.wordpress.com at ang kanyang Filipino blog sa MabangongPagong.wordpress.com.
Want to share your story on FIRSTS? Check out our guidelines here!