ADVERTISEMENT
Filtered By: Lifestyle
Lifestyle

FATHER’S DAY: Hanggang sa muli nating pagkikita


Part of a series on dads—and being a dad—for Father's Day.


Sa tuwing darating ang Father's Day, natatahimik ako.

Hindi na rin ako masyadong nagbubukas o nagba-browse sa Facebook o Instagram.

Alam kong mapupuno lang iyon ng mga pagbati at larawan ng kaniya-kaniyang Papa, Daddy, Ama at Tatay.

Hindi naman dahil ayaw ko ng Father's Day. Malungkot lang talaga ang araw na ito para sa akin, pero mamaya na muna ang iyakan...

"Ang galing mo talagang kumanta, anak."

Iyan ang laging sinasabi ng aking tatay simula noong ako'y bata pa.

Bagama't ang ibang memorya ng aking pagkabata ay hindi ko na maalala, sabi ng tatay ko, limang taong gulang pa lang daw ako pero kabisado at nabibigkas ko na ang lyrics ng kantang paborito niya: "Islands in The Stream" na inawit nina Kenny Rogers at Dolly Parton (salamat sa Google search!).

Kahit hindi ko naman talaga natatandaang kinakanta ko iyon noon, natutuwa ako kapag kinukuwento sa akin yun ni Tatay.

Madalas magpatugtog si Tatay ng mga cassette tapes ng mga paborito niyang singer tulad nina Barry Manilow, John Denver at Abba, lalo na kapag pinapatulog niya kami.

Sa kaniya talaga namin nakuha ang hilig naming limang magkakapatid sa musika at pagkanta.

Madalas din niyang ikinukuwento sa akin na ang husay ko sa pagkanta ang dahilan kung bakit siya napabili ng pamosong karaoke at mikropono na may cassette player para makakanta ako sa minus one.

Sa madaling salita, paborito ako ng aking tatay.

Hindi nga maikakaila na anak niya ako dahil halatang ako ang girl version niya.

Ako at ang aking tatay Joey noong aking JS Prom
Mahusay talaga si Tatay sa maraming bagay kaya siya ang idol ko.

Presidente pa nga siya noon ng unyon at training manager ng isang malaking kumpanya kahit hindi niya natapos ang kurso niyang business management noong college dahil sa kakapusan ng pera at maagang pagpapamilya.

Marami ring humahanga sa kanya dahil sa kanyang mahusay na leadership skills at magandang pakikitungo sa mga kapwa niya empleyado, mataas man o mababa ang katungkulan.

Pero dumating din ang panahon na tulad ni Nanay, nag-abroad din si Tatay noong nasa elementarya pa lamang kami.

Lagi ko siyang nami-miss dahil madalas niyang sundin ang gusto naming magkakapatid, pero sinanay niya kami na kapag sinabi niyang walang pera, ay hindi na dapat mangulit.

Mapagbigay si Tatay, mabait sa mga anak pero may disiplina siyang inukit sa aming isip.

Sabi niya, hindi kasi kami mayaman kaya't kung ano lang ang kaya nila ni Nanay at Tatay, yun lang ang maibibigay nila.

Madalas kaming mag-away ng aking mga kapatid dahil sa maliliit na bagay, pero lahat kami takot kapag sumigaw na si Tatay dahil alam na namin ang kasunod: palo.

Namamalo siya kapag mali ang aming nagawa, pero pagkatapos niya kaming pagalitan at kausapin, lagi niya kaming pinapainom ng tubig para mapakalma kami at matapos noon ay bibigyan niya kami ng pera para makabili ng tsitsirya, o, candy sa tindahan na gusto namin.

Naaalala ko pa noong bumalik si Tatay mula sa ibang bansa para magbakasyon sa Pilipinas.

Masaya, parang piyesta kapag andiyan siya, dahil malaya naming nagagawa ang gusto namin.

Pero kung anong saya ng pagbabalik niya, para namang Biyernes Santo kapag pabalik na ulit sa dayuhang bansa para magtrabaho.

Bata pa lang ako, madalas ako sumiksik sa kili-kili ng tatay ko habang nakahiga ako sa braso niya at doon ako ay nakakatulog ng mahimbing.

Akala nga niya noon tumutulo ang laway ko, dahil basang basa na ang braso niya, pero ang hindi niya alam, luha ko iyon dahil nalulungkot akong aalis na siya.

Habang umiiyak, naiisip ko pa ang isa sa paborito niyang kanta na makailang beses ko nang narinig, ang "Sunshine on my Shoulder" na kinanta ni John Denver.

Nakakatulog din ako pagkatapos, pero paggising ko, alam ko nang nakaalis at nakasakay na ulit siya ng eroplano.

Matapos ang mahaba-habang panahon nagdesisyon si Tatay na bumalik ng Pilipinas.

High school na ako noon at para kumita pa rin ng pera, nagtrabaho siya ng ilang taon sa isang kumpanyang hindi naaayon sa kanyang prinsipyo bilang tuwid na lider.

Ang resulta, nag-resign siya at naging house husband.

Dito ko lalong nakilala at minahal ang aking Tatay.

Iba ang suporta at pag-aarugang ibinigay niya sa akin habang ako ay nag-aaral pa.

Hindi totoong ang mga nanay lang ang magaling sa pagpapanatili ng magandang tahanan dahil nagawa iyon ni Tatay.

Siya ang nag-aasikaso ng maraming bagay tulad ng pagluluto at pagsigurong nag-aaral kaming mabuti.

Pinapayuhan niya ako sa mga bagay kung saan ako mahina, kahit pa alam niyang hindi naman ako sinserong nakikinig.

Siya ang gumigising sa akin para pakainin ako, sa tuwing makakatulog ako galing eswelahan nang naka-uniform at ID pa.

Hindi puwedeng magutom kapag nariyan si Tatay.

Sa kabila ng pag-aasikaso sa kanyang mga anak, nakita ko rin ang lungkot sa mata niya habang wala siyang trabaho at malayo siya sa kanyang asawa.

Naramdaman kong para siyang ibon na buong buhay niya lumipad pero pinanghinaan na ng pakpak.

Noong kolehiyo ako, todo suporta siya sa akin sa pag-aaral ko at natutuwa tuwing napapasama ako sa dean's list, kaya naman pumapayag siyang makalabas kami ng mga kaibigan ko para gumimik...nang may curfew.

Siya ang unang fan ko pagdating sa pagiging mamamahayag.

Marahil nakita na niyang magiging mamamahayag ang anak niya sa hinaharap.

Nag on-the-job-training ako sa isang istasyon ng radyo at sa awa ng Diyos, kahit na trainee lamang nakapag guest kami sa isang programa na umeere kahit hindi pa tumitilaok ang manok.

Pero sa kabila ng antok at tiyaga sa paghihintay, tuwang tuwa si Tatay nang binati ko siya, ang lola at mga tita ko sa programang iyon.

Hanggang pagdating niya ng bahay hindi maipinta ang mukha niya sa tuwa sa pagkuwento sa akin kung papaano nila ako napakinggan sa radyo.

Pag-graduate ko noong kolehiyo nakakuha ako ng honor bilang Cum Laude.

Iba ang tuwa at kaba sa dibdib ni Tatay noong gabi bago ang aking graduation. Mas excited pa raw kasi siya kaysa sa akin.

Dumating ang graduation day.

Naglakad kami patungong entablado nang may spotlight pa.

Nakasama ko siya at aking lola sa entablado para tanggapin ang aking inaasam-asam na medalya.

Naramdaman kong hindi lang iyon medalya sa paningin ng isang ama.

Butil iyon ng dugo, pawis at sakripisyo niya, na noon ay nakita niya, at nahawakan.

Sa ilang linggo ng pananatili niya sa mundo, tinuruan niya ako ng maraming bagay at isa na roon ang totoong kinatatamaran ko—ang pagluluto.

Hindi ko alam noon kung bakit niya ako pinipilit matutong magluto kung nariyan naman siya lagi para sa amin.

Marahil isa na iyon sa paghahanda niya sa akin bago siya umalis.

Umaga noon nang bigla akong ginising ng aking tita.

Isinugod raw sa ospital si Tatay.

Wala ako sa sariling sumakay ng jeep papuntang ospital habang hindi ko alam kung ano ang talagang nangyari sa aming tatay.

Dumating ako roon at nakita siyang mahinang mahina at nirerevive ng mga doktor.

Inatake siya sa puso dahil sa init ng panahon at nagcollapse sa daan.

Doon ko nakitang ang isang superman at knight in shining armor ay nakakaranas din ng panghihina.

Dumating na lang ako sa puntong imiiyak at nagmamakaawa ako sa doktor para ituloy ang pagpump sa puso niya pero wala na talaga.

Sa isang iglap para akong binuhusan ng malamig, napakalamig na tubig sa buo kong katawan.

Wala akong makita sa paligid kundi luha lang ng mga mata ko.

Parang tumigil ang oras at wala akong maramdaman kundi sakit.

Marami akong binargain kay Lord, pero mas alam niya ang tama.

Ako lang ang anak niya na kasama niya ng oras na iyon dahil nasa eskwelahan ang dalawa kong nakababatang kapatid at ang dalawang nakatatanda naman sa akin ay nasa ibang bansa kasama ni Nanay.

Hindi ko alam ang aking gagawin.

Madalas kapag napag-uusapan namin ng aking mga kapatid, sinasabi nilang suwerte ako dahil ako ang huli niyang nakasama.

Hindi ko alam kung swerte ako na nasaksihan ko ang pagkawala ng taong sobrang minahal namin.

Kahit walong taon na ang nakalilipas, sariwa pa rin sa alaala ko ang mga nangyari.

Alam kong may dahilan ang Diyos sa pagkawala ng maaga ng aming tatay.

45 years old lamang siya noon.

Nanghihinayang lang ako na hindi niya inabutan ang pagtupad ko sa pangarap namin: ang maging mamamahayag ako.

Sayang at hindi niya ako napanood sa News TV habang nagla-live report.

Tumitingin na lang ako sa langit at bumubulong sa kanya, na sana masaya siyang mapanood ako roon.

Sa mga pagkakataong umiiyak ako, hindi ko kalilimutang uminom ng tubig pagkatapos, habang iniisip kong ikaw ang nagbigay noon.

Salamat sa lahat, Tay. Salamat sa pagmamahal mo sa akin. Hanggang sa muli nating pagkikita.
Tags: fathersday