ADVERTISEMENT
Filtered By: Lifestyle
Lifestyle
ARAW NI QUEZON

Ang imahe ng isang tunay na dakila


1907, pitong taon pa lamang ang mga Amerikano sa Pilipinas. Nagdaraos ng piging ang mga kolonyal na amo ng bansa sa Palasyo ng Malacañan. Isang lalaki ang nasa ibaba ng hagdanan kasama ang kanyang pinsang si Maria Angara. Nasa ibabaw ng hagdanan si Gobernador Heneral William Cameron Forbes, tinatanggap ang mahabang linya ng mga bisita. Nasambit nito sa pinsan, “Pagdating ng panahon, makikita mo ako naroon ako sa ibabaw ng linya na iyan.” 
 
Mula nang maging palasyo ng pinakamataas na opisyal sa Pilipinas ang Malacañan, puro mga Espanyol at mga Amerikano pa lamang ang nanirahan dito bilang amo.
 
Ang lalaking iyon ay nakarinig din ng kuwento na sa mismong hagdan na iyon ng Palasyo, umakyat si Doña Teodora Alonso upang magbigay ng sulat at magmakaawa sa Gobernador Heneral na Espanyol upang iligtas ang buhay ng kanyang anak na babarilin sa Luneta, si Jose Rizal.  Hindi napagbigyan ang matanda.
 
Dalawampu't walong taon lamang ang lilipas matapos niyang sambitin sa ilalim ng hagdan ang mga katagang iyon, ang lalaking ito, si Manuel Luis Quezon y Molina, ay taas noong aapak sa Palasyo sa unang pagkakataon bilang pinuno ng sarili niyang mga kababayan, pangulo ng buong bansa.
 
Ngayong August 19 ipagdiriwang natin ang ika-135 na taon ng kapanganakan ni Quezon.  Liban sa pagiging Ama ng Wikang Pambansa, ano ba ang interesanteng malaman ukol sa taong inalayan natin ng isang 66 na piye na habang monumento at isang malaking rotonda.
 
Batang Baler
 
Si Manuel ay tubong Baler, Tayabas (ngayon ay bahagi ng Aurora, lalawigang ipinangalan sa kanyang asawa).  Ang ama niya ay retirading sarhento ng Hukbong Espanyol at parehong guro rin ang kanyang mga magulang.  
 
Minsan daw nakita siya ng ama na nakipag-away sa mga kapwa bata. Nang itanggi niya ito nang tanungin, talagang sinampal siya ng kanyang ama at sinabing, “Hindi dapat igalang ang sinungaling at dapat pa ngang insultuhin. Magsabi palagi ng totoo, anuman ang ibunga nito.”  At dito raw natutunan ni Quezon ang maging tapat.  
 
Nag-aral siya sa Letran, summa cum laude si koya.  Sa UST, nakasalumuha niya sina Sergio Osmeña at Emilio Jacinto.  
 
Bayani ng himagsikan
 
Sa panahon ng Himagsikang Pilipino, napatay ang kanyang ama at kapatid. Pinaghihinalaang mga rebolusyunaryo ang gumawa nito. Sa kabila nito, lumaban si Manuel sa panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano sa panig ng ating republika.  
 
Nang masawata ni Manuel ang mga naglipanang magnanakaw sa Cabanatuan, itinaas ni Heneral Mariano Llanera ang kanyang ranggo tungo sa pagiging unang tenyente. Nang maging kapitan, natalaga sa puwersa ni Heneral Tomas Mascardo.  
 
Nang mabalitaan ni Manuel na sumuko na si Heneral Aguinaldo, hindi siya makapaniwala. Kaya sumuko siya at pinuntahan sa kulungan ng Malacañan si Heneral Emilio Aguinaldo. Ang pangulo ng Unang Republika at ang future Unang Pangulo ng Komonwelt ay nagkita sa Malacañan bilang mga bihag at sumukong rebolusyunaryo.  
 
Abogado at mambabatas para sa bayan
 
Nang makapasa sa eksaminasyong bar, nagbalik si Manuel sa Tayabas at nagbigay ng libreng serbisyo sa mahihirap at naglantad ng mga ilegal na kabulastugan ng isang Amerikanong abogado.  
 
Dahil sa kanyang serbisyo, nahalal siyang piskal at gobernador ng Tayabas. Noong 1907 nahalal siya bilang kinatawan ng Tayabas sa unang Philippine Assembly at naging majority floor leader nito. Si Sergio Osmeña naman ay naging Speaker.  
 
Dito na nagsimula ang kanilang kalahating siglong pamamayagpag bilang magkaribal sa pulitika ng Pilipinas.  
 
Kampanya Para sa Independensya
 
Sa kalaunan si Quezon ay naging Resident Commissioner sa Washington (1909-1916) at Pangulo ng Senado (1918).  Nang ikampanya ni Osmeña sa Senado ng Estados Unidos ang Hare-Hawes Cutting Act na siyang magbibigay sa atin ng sampung taong komonwelt bago isauli ng mga Amerikano ang kasarinlan natin, hinarang ito ni Quezon at nagtagumpay sa kampanyang huwag itong manalo sa plebisito sa mga Pilipino. Hindi naaprubahan ng bayan ang Hare-Hawes Cutting Act.  
 
Nang siya naman ang nagkaroon ng pagkakataong mag-lobby para sa Batas Tydings-McDuffie, kahit walang ipinagkaiba ito, ikinampanya pa rin niya ito, nagtagumpay at siya ang nakakuha ng kredito.  
 
Mahilig mag-selfie?  Ang pagpanday sa sariling imahe
 
Nagsisimula pa lamang ang pagpapakuha ng larawan noon, mahilig nang magpa-picture si Manuel. May larawan siya na nakasuot ng uniporme ng rebolusyon, at mayroon pang isa na kasama pati ang kanyang kabayo. Parang si Rizal, kung daw may digicam na noon, baka cam-whore o selfie king si kuya.  
 
Noon pa lang, alam na ni Manuel na mayroon siyang charm at pinanday niya ito tungo sa isang imahe. Siya ang unang superstar na pulitiko ng bansa at tila sa kanya nabuhay ang imahe ng mga bayani ng epiko: Makisig, maputi, tinawag siyang “Kastila,” makulay ang bokadura o pananalita, at sinasabing lapitin ng mga babae ngunit pinakasalan ang kanyang pinsang si Aurora Aragon.

Actually, close talaga silang magpinsan. In fact, 1906 magkasama na sila sa isang family picture.  
 
Matikas. Sa lahat halos ng larawan ni Manuel kakikitaan siya ng kaastigan, tindig pa lang at titig wala na silang lahat. Kung titingnan ang larawan ng isang party ng isang Pinoy na nasa US noong resident commissioner pa lamang siya, makikita na habang pa-impormal o pa-candid ang mga pose ng mga tao sa paligid niya, si Manuel, naroon nakatayo sa tabi ng bandilang Pilipino, tila sinasabi sa lahat, titindig ako para sa kalayaan ng bayang ito. Pumustura din siya na walang takot sa kahit na sinong dayuhan. Tuwing nasa harap ng isang Amerikanong opisyal, akmang-akmang kukuhanan siya na nakataas ang kamay na tila sinesermunan ang mga kolonyal na amo ng bansa.
 
Sa panahon na ang mga Pilipino ay itinuturing na kolonyal na mamamayan, si Quezon ay taas noo na nakipaglitrato sa mga Amerikanong opisyal na nagpapakita nang pagiging kapantay niya sa mga ito.
 
May mga kwento na kumalat noon na noong minsang bumisita ang Gobernador Heneral na Amerikano na si Leonard Wood, na madalas na hindi makasundo ni Manuel, lumabas ang pulitiko at hinarap ang Amerikano na suot lamang ay calzonsillo lamang o boxer shorts. Kaloka. Pero siyempre ang mga kwentong ito ayon nga sa kanyang apong si Undersecretary Manolo Quezon ay pumatok sa bayan.  
 
Si Manuel din ay laging nagpapakita na game siyang sumubok ng mga bagong bagay. May mga larawan siyang sinusubukan ang isang radyo. Siya rin ang unang pangulo na gumamit ng telepono. Bago pa man si Magsaysay, mahilig na ring mag-barong tagalog si Manuel.
 
Unang diktador at template ng tradisyunal na pulitika sa bansa?
 
Sa kanyang imaheng Superman, hindi nakapagtataka na siya ang iniluklok ng bayan sa halalan ng 1935 bilang unang pangulo ng Komonwelt. Ang 10 taong transisyon ng komonwelt ay pinasinayaan noong November 15, 1935 sa Old Legislative Building, ang gusali ngayon ng Pambansang Museo ng Pilipinas. Sa pagdiriwang na iyon, nanumpa rin si Manuel Quezon bilang pangulo, at ang kanyang kaibigan/karibal na si Sergio Osmeña bilang pangalawang pangulo. 
 
Maraming kontradiksyon sa kasaysayan ni Manuel. Na siya raw ang unang tunay na diktador sa Pilipinas sa lakas ng kanyang panguluhan, magaling mamulitika at magpasunod ng mga pulitiko sa kanyang mga naisin.
 
Gayundin, kahit nangampanya siya para sa kalayaan, dahil sa takot na mawala ang mga dayuhan nang tuluyan dahil sa pakinabang na nakukuha ng elit sa mga ito, ay kinonsidera niya na isali tayo sa British Commonwealth kapag umalis ang mga Amerikano.
 
Sinasabi ng ilang historyador na siya raw ang template ng modernong tradisyunal na pulitiko dahil sa kanyang double-talk.
 
Dakilang pangulo
 
Ngunit, hindi rin maikakaila ang kanyang malaking kontribusyon sa bayan. Nagkaroon siya ng social justice program, na ang layunin ay pagbutihin ang kondisyon ng mga anakpawis at ng mga nasa laylayan ng lipunan:
 
Sinimulan niyang ipabili sa pamahalaan ang mga malalaking lupain at ibinenta ito sa mga kasama sa mababang halaga
 
Ipinasa niya ang minimum wage law.
 
Ipinasa ang 8-hour work day.
 
Ipinatupad ang mga benepisyo para sa manggagawa kapag naaksidente o namatay.
 
Nagpatayo ng pabahay para sa mga mababa ang sweldo.  
 
Itinatag ang Court of Appeals at nagtalaga ng mga manananggol para sa mga mahihirap sa bawat bayan. 
 
Sinuportahan at pinagtibay ang karapatan ng mga kababaihan na bumoto.
 
Ipinatupad ang pagkakaroon ng Wikang Pambansa na nakabatay sa Tagalog. 
 
Itinatag din niya noong 1939 ang isang lungsod na kanyang hiniraya na maging bagong kabisera ng Pilipinas na maaaring ipagmalaki sa mundo, at magiging tanggapan at tirahan ng mga empleydo ng pamahalaan na may malalawak at luntiang mga parke. Una niyang ninais na tawagin itong Balintawak City ngunit dahil sa kanyang higanteng imahe, nagkaisa ang mga mambabatas na ipangalan ang bagong lungsod sa kanya—Quezon City, kahit na buhay na buhay pa siya noon.
 
Maaaring pagdebatehan kung naipatupad ba nang buo o hindi ang mga pinagtibay niya subalit nasimulan niya ang mga bagay na ito na pinakikinabangan natin hanggang sa kasalukuyan.
 
Paghina ng imahe
 
Sayang lang, iginupo ang imahe ng sakit na tuberculosis. Nang minsang makunan si Manuel ni Honesto Vitug na binubuhat sa isang pagtitipon lingid sa paningin ng mga tao, nakita niya ang photographer at galit na galit na itinuro ito. Ayaw niyang makita siya na mahina.  
 
Hindi napigilan ang pagsiklab ng digmaang Pasipiko laban sa mga Hapones noong 1941. Lumikas si Manuel at ang kanyang pamahalaan at tumungo sa Estados Unidos kung saan niya itinatag ang Philippine Government-in-exile kung saan na siya naabutan ng kamatayan, August 1, 1944.
 
Hindi na rin maitago, tao rin ang bayani ng epiko. Ngunit isang tao pa ring may higanteng determinasyon at ambag sa bayan.  
 
Ngayon, nakalibing si Quezon sa ilalim ng isang malaking monumento sa lungsod na ipinangalan sa kanya, na tulad ng dakilang si Napoleon, nakaangat ang kanyang puntod sa lupa.  Sagisag ng kanyang kadakilaan sa bansang ito.
 
Siya nga pala, ang Philippine Historical Association ay magkakaroon ng International Conference na may paksang “Historical Education in Asia: Issues and Challenges” mula August 27 hanggang 29, 2015 sa Unibersidad ng Sto. Tomas sa Maynila. Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang kanilang website.


Si Prop. Michael Charleston “Xiao” Briones Chua ay kasalukuyang assistant professorial lecturer ng Pamantasang De La Salle Maynila.  Isa siyang historyador at naging consultant ng GMA News TV series na Katipunan at Ilustrado.  Ang sanaysay na ito ay batay sa kanyang news segment sa “Xiao Time:  Ako ay Pilipino” sa istasyong pantelebisyon ng pamahalaan.




The views expressed in this article are those of the author and do not necessarily reflect the position of this website.