ADVERTISEMENT
Filtered By: Lifestyle
Lifestyle
Midnight Stories: Ang buhay kasama ang mga patay
By Juju Z. Baluyot
Matagal ko nang hindi nabibisita sina lolo at lola. Abril pa ng taong 2013 noong huli ko silang napuntahan sa Infanta, Quezon. Kaya naman noong makaluwag-luwag ako sa requirements sa school at trabaho, hindi na ako nag-atubili. Agad akong sumugod sa Quezon kahit naghahasik ng lagim si Lando. Oktubre 18 noon, kasagsagan ng bagyong ito. May mga banta ng brownout at flash floods pero wala eh, gustong-gusto ko na talagang dalawin sina lola at lola. Kaya naman pagkatapos ng apat na oras na biyahe papuntang Infanta, first stop ko kaagad ay ang sementeryo.
Si Edwin

Edwin Mercado, 40, isang dating sepulturero.
Wala ‘atang bukas na tindahan ng mga bulaklak noong araw na ‘yun dahil bumabagyo nga naman. Kaya naman noong may nakita akong isang manong sa sementeryo, tinanong ko siya agad kung saan kaya ako puwedeng makabili. Siya lang kasi ang taong nakita ko roon kaya siya na rin ang nilapitan ko.
Busy si manong. Kahit na malakas pa rin ang hangin, nililigpit na niya agad ang mga tumumbang puno at nilalagay naman sa sako ang mga nagkalat na dahon. Wala na raw bukas na tindahan ng bulaklak, sabi niya. Sa sunod na lang daw ako dumalaw. Sabi ko, “Manong, dumayo pa po ako mula Manila, eh.”
Dahil mahaba pa naman ang araw at tanging si Lando lang naman ‘ata ang kasama namin, nag-usap muna kaming dalawa. Hindi man ako nakabili ng bulaklak, isang makulay (at nakakakilabot) na kuwento naman ang napakinggan ko.
Siya raw si Edwin, 40-anyos. Dati raw siyang sepulturero sa sementeryong 'to.
‘’Yung kamay o paa ng ibang mga bangkay, lumalabas sa lupa’
Noong Nobyembre hanggang Disyembre 2004, hinagupit ng magkakasunod na bagyo---Bagyong Unding, Tropical Storm Violeta, Tropical Depression Winnie at Bagyong Yoyong---ang Infanta. Pero ang nangyari noong Nobyembre 29 ng taong ‘yun ay ang pinakamalala. Pumatay kasi 'to ng lagpas 300 tao sa isang gabi lang.
Ngayon naman, sa pagkakilala namin ni Edwin, ay naramdaman namin ang paghampas ng malalakas na hangin. Literal na kinailangan kong humawak sa ibang mga nitso dahil hindi kinakaya ng kapayatan ko ang ganitong klaseng hangin. Wala ng bubong ang ibang musuleyo.
Habang naglalakad kami, nagugulat na lang kami dahil nga maya’t maya ay para bang hahampas sa’min ang mga nagliliparang yero mula sa mga musuleyo at mga kalapit na bahay. Nakita ko rin kung paano natanggal mula sa lupa ang mga puno at poste ng kuryente.

Sa tinagal-tagal ng covered walkway na ‘to sa sementeryo, ngayon lang daw tinangay ng malakas na hangin ang bubong nito. Kaya naman nagkalat ang mga yero sa sementeryo pagtapos hagupitin ng Bagyong Lando ang Infanta nito lamang Oktubre 18.

Madaling napatumba ng Bagyong Lando ang mga poste ng kuryente sa sementeryo at sa bayan. “Mukhang dalawang linggo kaming mawawalan ng kuryente,” suspetsa ni Edwin.
Nakakatawa man ang itsura ko nu’n pero naka-hard hat ako habang nasa sementeryo. Ganoon kasi katindi ang bagyo nu’ng araw na ‘yun kaya hindi ko rin masisi si Edwin kung bigla niyang naalala ang mga nangyari sa Infanta 11 taon na ang nakalipas.

Hindi raw ako papayagang tumuloy sa sementeryo kapag hindi ko susuotin ang hard hat na ‘to, sabi ng tita ko.
“‘Yung ibang bangkay nu’n, wala ng ulo, wala ng paa. Hindi na sila makilala pati ng mga kamag-anak nila,” pag-alala ni Edwin. Humigit-kumulang 70 raw ang nailibing nilang bangkay sa sementeryong ‘to pagkatapos ng delubyo. Hindi pa kasama rito ang mga bangkay na inilibing sa ibang sementeryo at ang mga bangkay na hindi na na-recover.
Sa paglalakad namin sa sementeryo, napansin kong hindi naman ‘to ganu’n kalaki. Humigit-kumulang tatlong ektarya nga lang ‘to eh. Kaya tinanong ko siya kung paano nila napagkasya ang mga bangkay sa sementeryong ‘to noong 2004.
Tumayo ang mga balahibo ko nang marinig ko ang sagot.
“‘Yung iba, diyan namin inilibing, diyan sa tinatapakan mo,” sabi niya.
Nasa sementadong walkway kami nu’ng mga sandaling ‘yun. Nasa sentro ng sementeryo ang walkway na ‘to. Kumbaga, ito ang EDSA ng Maynila. Akala ko ay ito lang ang parte ng sementeryo na walang mga nitso, walang mga bangkay. ‘Yun pala, pati ang walkway na ‘to, libingan din.

Nang mamatay ang 300 tao sa Infanta, Quezon noong Nobyembre 29, 2004, hindi raw alam ng mga sepulturero kung saan nila ililibing ang ibang mga bangkay. Kaya naman maging ang walkway na ‘to ay pinaglibingan na rin nila.
“Wala na kasing puwesto sa sementeryo nu’n eh. Puno na. Eh kaysa naman kung saan-saan namin sila ilibing, inilibing na lang namin sila diyan. Inayos naman namin ang mga bangkay nila bago namin sila inilibing diyan.”
Ikinuwento rin ni Edwin na kinuha pa raw ng mga kamag-anak ang ilan sa mga bangkay na inilibing na ng mga sepulturero sa lupa noon. “‘Yung [ibang mga kinuhang bangkay], ipinalibing ng mga kamag-anak sa [mga katabing bayan]. ‘Yung iba, ewan ko kung saan nila dinala ‘yung mga bangkay ng mga kamag-anak nila. Basta kinuha nila mula sa hukay.”
Naaalala pa niya ang ibang mga bangkay na inilibing nila sa lupa noon. Dahil na rin siguro sa dami ng mga bangkay noon ay hindi na rin naging ganoon kaayos ang pagkakalibing nila sa mga ‘to. Kaya naman pagkalipas daw ng ilang mga araw, nakikita na lang nila na nakalabas mula sa lupa ang kamay o paa ng ilan sa mga bangkay.
“Nakakatakot, siyempre, pero ibinabalik na lang namin sa ilalim ng lupa tapos aayusin namin.”
‘Para bang na sa likod ko lang sila… Parang may kumakalabit’
Dahil masiyadong malakas ang hangin, sinama ako ni Edwin sa bahay nila na nasa likod lang mismo ng sementeryo. Nakilala ko rito ang asawa at lima niyang anak. Napansin ko rin na nakatabi sa gilid ng bahay nila ang ilang mga gamit na alam kong ginamit niya noon noong sepulturero pa siya.
Nagsimulang maging ganap na sepulturero si Edwin noong 1994, nang mamatay ang tatay niya. Pero bata pa lang daw siya ay kasa-kasama na siya ng tatay niya sa paghuhukay ng mga libingan at kalansay kaya naman alam na alam na niya ang trabaho noon pa man.
Sa dami ng mga libingan at bangkay na nahukay ni Edwin, minsan na ba siyang pinakitaan ng multo?

Kahit na dalawang dekadang nagtrabaho sa sementeryo bilang sepulturero, madalas daw ay natatakot pa rin daw si Edwin na dumaan dito dahil sa mga kakaibang nararamdaman niya kapag nandito siya.
“Marami akong nararamdaman dito sa sementeryo talaga,” sabi niya. “Minsan, kapag naglalakad ako dito ng gabi, para bang na sa likod ko lang sila. Minsan, parang may kumakalabit.”
Sino ba naman ang hindi matatakot sa mga ganitong pagpaparamdam? Kaya naman hindi ko rin pinagdudahan ang takot na nakita ko sa mga mata ni Edwin habang ikinukuwento niya sa’kin ang mga ‘to.
Hindi lang daw kasi pagpaparamdam ng mga kaluluwa ang nagpapatakot kay Edwin. Minsan daw ay napapanaginipan pa niya ang mga bangkay at mga kaluluwa nito.
“Minsan, napapanaginipan ko ‘yung mga patay. Para bang inaakit ako na sumama sa kanila.”
‘Iba ang amoy ng bangkay, nanunuot’
Kumikita si Edwin ng P9,336.00 kada buwan noong sepulturero siya. Sa isang araw, dalawa hanggang tatlo kadalasan ang hinuhukay niyang libingan para sa mga bagong bangkay.
Kapag daw wala ng space sa semeteryo para paglibingan ng mga bagong bangkay, inaalis daw nila ang mga lumang kalansay ng mga bangkay mula sa pinaglilibingan ng mga ‘to. May batas naman daw kasi na nagsasabing puwede nang alisin mula sa pinaglilibingan ang isang bangkay kapag hindi na na-renew ng kamag-anak ang kontrata para sa lupa nito pagtapos ng limang taon.
Pero hindi naman kung saan-saan na lang inilalagay ng mga sepulturero ang mga lumang kalansay ng mga bangkay. Inililipat daw nila ang mga ‘to sa “apartment,” o ang parte ng sementeryo kung saan ay patong-patong ang mga libingan.

Kapag hindi na na-renew ng mga kamag-anak ang kontrata ng lupa ng pinaglilibingan ng isang bangkay, inililipat ang mga kalansay nito sa “apartment.”
Bumalik kami ni Edwin sa sementeryo dahil gusto kong makita ang apartment. Nakita ko na mayroon ‘tong tatlong hanay-pahiga ng mga libingan. Napansin ko rin na may lapida ang ilan sa mga ‘to habang ang iba ay wala.
“‘Yung mga walang lapida, ‘yan, diyan nakalagay ‘yung mga lumang kalansay ng mga bangkay,” paliwanag ni Edwin. “Kapag may nakita kang libingan sa apartment na walang lapida, ibig sabihin, may tatlo o apat na kalansay diyan.”
Kahit na dalawang dekadang naging sepulturero si Edwin, hindi pa rin daw niya nagawang masanay sa trabaho. Kahit na wala naman siyang ginagawang ilegal sa trabaho niya, maya’t maya ay nakukunsensya pa rin daw siya lalo na tuwing ililipat niya ang kalansay ng isang bangkay sa ibang puwesto.

Hindi raw biro ang trabaho ng isang sepulturero. Sa kaso raw kasi ni Edwin, pakiramdam niya raw ay maya’t maya siyang sinusundan ng mga kaluluwa ng mga bangkay na pinaghukayan niya.
Minsan din daw, pagkahukay niya ng isang bangkay ay makikita niyang buo pa pala ang katawan nito. “Hindi ko masikmura kapag naghuhukay ako tapos buo pa pala ‘yung katawan. Para kasing inabala mo siya mula sa pagpapahinga niya,” sabi ni Edwin.
Minsan pa nga raw ay nararamdaman niyang hindi siya iniiwan ng amoy ng kalansay.
“Iba ang amoy ng ibang mga bangkay eh. Nanunuot. Talagang kahit ilang beses kang maligo, parang pakiramdam mo ay nakakapit pa rin ‘yung amoy,” sabi niya.
‘Para bang parati silang nakasunod’
Tumigil si Edwin sa pagiging sepulturero noong 2014. Pero kahit na hindi na siya naghuhukay ng libingan o ng mga bangkay ngayon, minsan ay natatakot pa rin daw siyang dumadaan sa sementeryo.
“Ewan ko ba, pero parang parating nakasunod sa’kin ‘yung mga kaluluwa,” sabi niya.
Hindi ako naniniwala sa mga multo o kahit na ba sa mga pagpaparamdam. Hindi pa naman kasi ako nagkaroon ng sarili kong ghost encounters. Pero nang palabas na kami ni Edwin sa sementeryo, parang kakaiba ‘yung lamig na naramdaman ko. Alam kong hindi ‘yun ang lamig ng ng Bagyong Lando. Kakaiba kasi---parang yumayakap.

Humigit-kumulang 70 raw ang bilang ng mga bangkay na kinailangang ilibing nina Edwin at mga kasamahan niyang sepulturero sa sementeryong ‘to noong Nobyembre 2004. Tatlong ektarya lang ang sementeryong ‘to kaya naman nagtaka ako kung paano nila nailibing dito ang mga bangkay matapos ang bagyo.
Kaya naman pabiro kong tinanong si Edwin, “Baka naman sumusunod na rin sa’kin ang mga kaluluwa?”
Natawa na lang siya. Pero maya-maya ay biglang naging seryoso ulit ang mukha niya. “Aba, ewan ko. Posible. Eh ako nga, dalawang dekada akong naging sepulturero. Pero walang araw na hindi ko sila nararamdaman. Para bang parati silang nakasunod.”
Doon na natapos ang usapan namin ni Edwin. Matapos magpaalam at magpasalamat sa oras, naglakad na ako papunta sa musuleyo nina lolo at lola.
Habang naglalakad mag-isa, hindi mawala sa isip ko ang mga sinabi ni Edwin. May sumusunod na rin kaya sa akin? Kung mayroon man, naisip ko na malamang ay sina lolo at lola 'to. Dahil alam ko, kahit noon pa man, hindi nila ako iiwanan. ---BMS/GMA Public Affairs
More Videos
Most Popular