‘Singles Awareness Day’? More like ‘Singles Appreciation Day’!
_2016_02_14_15_52_17.jpeg)
So, single ka ngayong Valentine’s Day.
Dahil wala kang ka-date, mamamatay ka sa inggit dahil ang news feed mo sa Facebook, puro mga photo ng mga kaibigan mong nagyayakapan, nagpapalitan ng mga dedication sa isa’t isa, at mga pangakong “Forever tayo, walang titibag.” At dahil “lonely” ka, magpo-post ka ng mga hugot line at mga banat na pa-bitter. “Maghihiwalay din kayo” ang bukambibig mo sa araw na ito.
Pagbukas mo ng TV, puro mga cheesy love story naman ang mapapanood mo, kasi nga Valentine’s. Tila parang nakakahawang sakit para sa iyo ang konsepto ng pagkakaroon ng “relasyon” dahil kalat ito saan ka man pumunta. Ayaw mo ring tumungo sa park (lalo na sa Luneta), kasi lalo ka lang maiinis sa mga taong nakakita na ng forever na naka-HHWW (holding hands while walking).
Mapapasigaw ka na lang sa kaloob-looban mo, “Lord, ano ba’ng nagawa ko at single pa rin ako hanggang ngayon?”
Pero sandali lang. Hindi naman siguro ganoon kasama ang pagiging single na maituturing mo itong parusa. Hindi rin naman ito kasalanan na dapat mong katakutan at kamuhian. Kaya kung ako ang tatanungin, bagama't pabiro ang tawag sa Araw ng mga Puso bilang "Single Awareness Day," pangit ang nagiging dating nito. At may tatlo akong dahilan kung bakit kahit "for hugot purposes" lang ang pagiging bitter sa kalagayang ito, hinding hindi dapat maging pabigat sa iyo ang "singlehood."
Hindi lang puro romansa ang relasyon, may mga responsibilidad itong kaakibat. Akala mo ba puro halikan, yakapan, at holding hands while walking lang ang pagkakaroon ng relasyon? Hindi po. Sabi nga nila, ang pagkakaroon ng boyfriend o girlfriend ay parang pagsasanay na sa buhay-mag-asawa; maglalaan ka na ng bahagi ng budget at buhay mo para kay "bae." May mga panahon ding hindi kayo magkakaintindihan, at minsan, mag-aaway pa. "Cliche" man ang dating, pero may dahilan pa rin kung bakit mahilig magtanong ang mga magulang sa mga anak nilang may karelasyon: "Kaya ka ba niyang buhayin?"
Hindi ka pa handa. Sino ba sa atin ang hindi maiinis sa mga viral post sa Facebook ng mga batang naglalambingan o 'di kaya'y nagpo-propose?
I had my first relationship almost four years ago, at hindi pa iyon seryoso. 'Yung tipong nagkakilala lang, nagkaibigan, tapos nagpalitan na ng "I love you" matapos ang ilang buwang magkakilala. A month into the relationship ko lang napagtanto na hindi pala ako "in love" sa kaniya, at gusto ko na nga maging single ulit—kasi na-realize ko ring masaya rin pala ang pagiging single. Ang sakit ng mga sumunod na yugto.
Ganito na lang ang isipin mo: Sige, may Valentine ka nga ngayong araw, pero ang tanong, masaya ka ba sa piling niya kahit hindi February 14? Ano ba ang motibo mo kung bakit gusto mong magkaroon ng karelasyon? Nais mo ba talagang magkaroon ng kasama, o gusto mo lang bang may mai-post ka sa Facebook na may kayakap ka para magkaroon ka ng maraming likes?
Kung puro hindi ang mga sagot mo sa mga tanong na ito, iisa lang ang ibig sabihin niyan: Hindi pa ito ang tamang panahon.
Maraming paraan para maging makabuluhan ang buhay mo, hindi lang love life. Paborito kong halimbawa rito si Diane Warren, ang American songwriter na sumulat sa mga kantang malamang ay kabilang sa "hugot playlist" mo: "I Don't Wanna Miss A Thing" ng Aerosmith at "How Do I Live" ni LeAnn Rimes. Totoong maganda ang mga kanta niya, pero alam n'yo bang single pa rin siya hanggang ngayon? "I don’t know anything about love, really. It’s not from personal experience. I just like to write emotional songs," sabi niya sa isang interview.
Subukan mong isipin nang mabuti kung ano-ano ang mga bagay na magpapaligaya sa iyo bukod sa pagkakaroon ng love life. Paminsan-minsan, subukan mong umalis sa social media at iwasang manood ng mga cheesy rom-com film; "go do something else more meaningful," 'ika nga. Sumali ka sa isang civic organization, o NGO, o kaya'y magtrabaho. Ang daming puwedeng gawin sa buhay mo, huy! At karamihan sa mga ito, magagawa mo kahit wala kang "bae" o "honey."
Kaibigan, hindi sumpa ang pagiging single. Isa man ang Valentine's Day sa mga araw na magpapaalala sa iyo sa estado ng iyong buhay pag-ibig, pero isa rin itong araw na mapagtatanto mo kung gaano kaganda ang buhay single: Walang inaalala, maraming oras, maraming mga makabuluhang bagay na puwedeng gawin—"the sky is the limit," sabi nga.
Kaya sa araw na ito, babatiin kita ng "Happy Singles Appreciation Day!" — BM, GMA News