Bulong
It's back! Midnight Stories will be posted throughout October to celebrate the month of ghosties and ghoulies and things that go bump in the night. Here's our next installment. Enjoy!

Lumaki ako na namulat sa mundong hindi nakikita at nararamdaman ng karamihang tao. Magmula pagkabata, hindi na bago sa akin ang mga kuwentong kababalaghan at karanasang nakakapanindig-balahibo. Ang turing ko sa kanila , mapa elemento man o kaluluwang ligaw, ay mga nilalang rin na parte ng ating dimensyon. Tama siguro si Nanay, ang aking Lola: binigyan niya siguro ako ng bantay or may tinalaga siyang tagapagpatnubay sa aking buhay...yun nga lang sa pamamagitan ng bulong.
Nasanay ako na sa bawat desisyon na gagawin ko, meron akong maririnig na bulong. Maliit pa lang ako, may nagsasabi na sa akin na huwag akong makipaglaro sa mga batang nasa kalsada, na umuwi agad ng maaga, na may regalo sa akin sina Mommy pagdating ko ng bahay, na may matatanggap na sulat, at kung anu-ano pang maliliit na bagay lamang. Para kang may kambal sa tainga.
Noong nagsimula akong magtrabaho, marahil dahil sa puyat at matinding trabaho, ang dating nakasanayan na pagpapaalala ng maliit na tinig ay nawala. Siguro kung meron man, wala na rin akong panahon para mapansin ito.
Pero noong lumipat kami sa isang townhouse sa Quezon City, tila ba ang tinig ay nariyan na naman; malinaw na nadidinig ang bawat salitang binabanggit.
Dumating ang panahon na kailangan na naming lisanin ang tinitirhan, tila ba may pag-aantala sa mga bagay-bagay. Ang naturang buwan na dapat ay nasa bagong tirahan na ay naurong nang naurong hanggang umabot ng walong buwan. Sa pagkakataon na yun, kailangan ko nang makipag-usap sa “kanila” para mapayagan na kaming umalis sa lugar. Tama man o hindi, nagsabi ako na “kung gusto niyong sumama, eh di sige, yung ayaw, maiwan dito at magbantay.”
Lumipas ang isang buwan, nasa bago na kaming tirahan. Sa unang tapak pa lang ng paa sa sahig, alam ko na marami na kaming makakasama sa bagong bahay. Maraming mata ang nagmamasid, sa bawat galaw namin ay parang may sumusunod na yapak. Hindi ako sanay sa matahimik na lugar; kailangan ng sounds para mapatay ang nakakabinging pagkatahimik. Mapaglaro ang mga kasama namin sa bagong bahay, nariyan ang patayan ka ng sounds, tv at baligtarin ang upuan at drawer.
Minsan, nag-uusap kami ng aking kasama sa bahay. Nakasandal siya sa wall habang nagtatawanan kami. Nagulat na lang ako na may batang lalaki sa likod niya na basang-basa ang damit. Isang kisap lang, wala na agad ito. Isang gabi, habang naghuhugas ako ng pinggan sa kitchen, may isang Hapon na nakauniporme na humahangos palapit sa akin, tangan-tangan ang bayoneta na parang may susugurin na kalaban. Bago pa lang marating niya ang kinakatayuan ko, bigla na lang ito naglaho.
Hindi ako natatakot kapag mag-isa ako sa bahay dahil nariyan ang tinig na hindi nawawala sa tabi ko.
Minsan nakatayo ako sa harapan nang may dumaan na kapitbahay at kumaway. Bigla ko na lang narinig ang tinig : “Si JV, kailangan ng sapatos, bigay mo yung WADE shoes mo.” Napatigil ako; bakit yung WADE shoes pa, eh hindi ko nga masyadong nagamit yun. Pilit pa rin sinasabi sa akin na yung WADE ang ibigay ko. So nagpunta ako sa lagayan ng mga sapatos, nagulat na lang ako na andun na agad yung sapatos parang nakahanda nang kunin.
Nagtext ako sa kapitbahay namin at tinanong ang nanay kung bakit kailangan ng anak niya ng sapatos. Sabi niya, paano ko naman nalaman na kailangan ni JV ng sapatos? Bukas na daw kasi yung prom night at ang pinapagamit niyang sapatos eh yung pamasok sa eskuwela. So, kinaumagahan, dinala ko ang mga sapatos, pagkakita ko nga sa isusuot nung bata, tama lang na ibigay ko yung shoes ko.
Sa pagkakataon na yun, naisip ko, kasama ko na naman ang “gabay” at naririnig ko na naman siya.
Hindi na ko naninibago kapag pinagsabihan ako na huwag akong umalis, na tawagan ko ang isang tao, na kausapin ko ang kakilala dahil kailangan ng tulong ko. Malaki man o maliit ang problema ng mga kaibigan, ang tinig ang unang nakakaalam. Para kang may kaibigan o kapatid na kasama sa ere. Kahit hindi mo nakikita, laging tumutulong sa mga desisyon. — BM, GMA News